Kamuntik ko nang di naalala
na kahapong umaga may itinumba
diyan lang sa kabilang kalsada.
Kung sino siya, di ko kilala –
bangkay nga’y di ko rin nakita
sa dami ng nagsisiksikang usisero’t usisera.
Ang drayber ng traysikel na sinakyan ko
ay may binanggit na apelyido
at sabi niya yung itinumba umano
ay isa palang bumbero.
Sa sinabi niya ako lang ay tumango-tango,
kasi ano ba naman ang pakialam ko?
At ako ay tumuloy na sa palengke
para maghanap ng pang-ulam na mabibili
na maipagkasya sa pera kong kaunti.
Ngunit ako ay nanlumo sa presyo ng isda – grabe!
Alam ko rin na ang presyo ng bigas pati
kung iisipin mo ay aakyat malamang iyong BP.
Yung mga napapatay diyan di ko na lang pinapansin
kasi baka nga sangkot sa droga o kung anu-anong krimen.
Tsaka yang pagtaas ng presyo ng mga bilihin
ay natutunan ko nang huwag dibdibin,
total sabi ng matatanda lahat ng ito ay lilipas din.
Sa lahat ng nangyayari sa paligid natin, tayo’y masasanay rin.
Eric S.B. Libre
29 Agosto 2018