ILIGAN CITY (MindaNews / 18 July) — Tatlong ang mainam i-highlight sa kanilang kasaysayan sa Mindanao. Bahagi ito ng kanilang pagtubo sa konteksto ng buong Mindanao-Sulu. Una ang nangyari noong taon 1596. Pangalawa ang nagawa ni Mempurok sa Cotabato noong 1926-67. At pangatlo ang pagtatanim ng binhi ng Lumad Mindanao.
Malawak ang pamilya ng mga taga Mindanao, ayon sa pag-aaral na ginawa ni Richard E. Elkins noong 1974. Hindi masabi kung saan nakaugat ang iba’t ibang sangay nga mga ito. Heto ang ginawa niyang mapa na tinawag niyang Geographic extent of Manobo languages based on Ethnologue maps. Iyong pula sa mapa ang tumutukoy sa mga Manobo. Kung titingin tayo sa kasalukuyang mapa. Magmula tayo sa itaas.
Meron mga Manobo sa Cagayancillo sa Palawan. Sa hilagang meron din sa isla ng Camiguin.
At karamihan sa kanila ay nasasakop sa buong Mindanaw. Ang malaking pulutong ng Manobo ay ang mga taga Agusan-Davao, at ang isa pa ay ang mga Erumanen na nasasakupan ng Central Mindanao, sa pinagsamang Davao-Cotabato-Bukidnon.
Para sa mga Erumanen ay nakaugat sa magkapatid na Tabunaway at Mamalu. Si Tabunaway na nakakatanda ang nanatili sa sinaunang kultura at paniniwala, si Mamalu ang nakakabata ang naging Muslim at dito nagmula ang mga Maguindanao. Magkaiba na ang kanilang paniniwala, at nagkanya-kanya sila ng teritoryo, pero naging bahagi ng kanilang usapan na mananatiling magkapatid at magtulungan kung kinakailangan, tulad nitong merong kaaway na tagalabas.
Batay sa senso ng 2000, ang populasyon sa Cotabato ay pumapatak sa 169,919 o 17.75 % lamang ang mga Magindanawon, at ang mga Manobo ay 41,862 o 4.37%.
Taon 1596. Napatay ni Ubal si Kapitan Estevan Rodriguez de Figueroa, ang kumander ng Kastila ng ekspedisyon nila sa Cotabato. Ang misyon niya ay, sa Ingles and nabasa ko: “to pacify and settle Mindanao”—(mahirap isalin ito!) gawing mapayapa at gawing tirahan ang Mindanao; magiging kanya ang Mindanao sa loob ng dalawang buhay niya. Dumating siya sa Cotabato, dala ang puwersa na 214 katao na Kastila noong Pebrero 1596. Sakay nila sa iba’t ibang sasakyan (galleys, galleots, frigates, vireys, barangays, lapis). Meron din silang kasamang ilang Hesuwita at maraming mga “natives” para magsilbi ang pangangailangan ng pwersa. Pagdaan nila sa unang komunidad ng mga Maguindanao, tinutukoy na taga-ibaba ng Pulangi, maraming tagaroon ang nagsisama sa kanila patungo sa Rajah Buayan, lugar ng mga Maguindanawon na taga-ilaya ng Pulangi.
Doon sa Rajah Buayan, napalaban sila sa puwersa ni Datu Silongan (o Sirongan). Mula sa kanyang sasakyan, pinanood ni Figueroa ang takbo ng labanan, at sa tingin niya hindi nagandahan sa takbo ng labanan kaya bumaba siya, kasama ang apat na katao. Dito sila na-ambush, isa ang tumaga sa kanyang ulo. Si Ubal ang tumaga kay Figueroa; patay din ito nang pinagtulungan siya ng apat na tao ng Kastila. Hindi naman namatay kaagad, kinabukasan pa pumanaw. Ang Hesuwita na si Brother Gaspar Gomez ang nagdala ng balita sa bagong gobernador sa Maynila, at para mabigyan ng maayos na libing.
Dalawang kuwento ang nakarating sa atin mula sa mga kaibigan. Ayon sa kuwento ng mga Maguindanao, si Datu Ubal ay kapatid ni Datu Silongan. Sa istorya ng mga Erumanen (Manobo), kasamahan nila ito, isa siyang bahani (bagani) sa kanila, at hindi siya datu. Bayani siya ng tribu.
Ang mga Erumanen at ang Maguindanao at nagtulong sa labanang ito. Maliwanag na tinalo nila ang mga Kastila, na di naglaon ay nagsialis.
1926-27. Kilos ng Langkat ng mga Erumanen.
Ang barangay ng Palakat ang lugar ni Datu Busegew Mempurok, anak ni Datu Sapalaw a Kerentekan, bahagi ito ng Pikit, sakop ng Banisilan na munisipalidad ng Carmen noon. Taong 1920 ng itinatag ng Amerikanong District Supervisor ang dalawang eskwelahan, sa Banisilan at sa Palakat. Lahat ng mga batang nasa wastong edad, pati na yaong dalawampung taon ang edad ay obligadong mag-aral, simula sa unang baytang. Ang hindi sumunod nga mga magulang ay mabibilanggo.
Humirang ng pinunong Erumanen sa bawat barangay, isa si Mempurok. Di naglaon, nakarating sa Supervisor na maganda ang takbo sa lahat barangay maliban sa lugar sa Palakat. Ipinatawag ito si Mempurok sa Banisilan at tinanong bakit ganon?
Ang sagot ni Mempurok. Natatakot ang mga bata sa eswelahan. Binigyan siya ng ultimatum. Siya at lahat ng mga magulang na sumuway ay mabibilanggo.
Sa takot niyang mabilanggo, namundok si Mempurok kasama ang kanyang pamilya. Dalawa sa kanyang mga anak ang dapat ay nasa eskwelahan. Nagsisama rin ang pamilya ng kanyang kapatid na babae na may anim na anak na puro nasa edad para mag-aral. Sa bundok ng Kitubod sila nagtungo. Habang siya ay naroroon, nagsimula siyang maging patutulus, isang tao na naniniwalang siya ay bukod na pinagpala. Nakarating ito sa kaalaman ng mga tao at mula noon ay marami ang nagpupuntahan sa kanya. Di naglaon ay naging bantog siya bilang pinuno ng Langkat. Inihambing niya ang kanilang sitwasyon sa kalagayan ni Agyu, ang kanilang ninuno.
Nadeskubrihan nila na may mga kababalaghan nga namang pinaggagagawa si Mempurok. Hindi siya kumakain ng maraming araw subalit nananatili siyang malusog. Inaawit niya ang kanilang istorya sa estilo ng Ulahingan na kahit matagalan ay hindi ito napapagod. Ang istorya ay tungkol sa buhay nila sa gubat na walang matirahan, kakaunti ang pagkain at kulang sa damit. Namumula ang katawan nito at umuusok kapag pumasok na raw ang panginoon sa kanya. Ipinalaganap sa ibang mga tao na kapag hindi sila sumunod sa kanya sa Kitubod, maiiwanan sila ng sarimbar (sasakyan na magdadala sa kanila sa pinakamataas na langit).
Gabi-gabi ay nagdarasal sila sa bahay dasalan, namumuno si Mempurok. Doon ito nakapuwesto sa gitna ng plataporma at ang mga alalay naman sa bandang unahan. Apat na mga lider ang nakaupo sa gilid ng plataporma. Sa pinakagitna ay may memeem (lalagyan ng nganga). Puro sila nakaupo sa sahig. Ang mga tao naman, bata at matanda, ay nakaupo sa mga mahahabang upuan.
Itinuturo ng mga diwata sa pamamagitan ng bawat isang pinapasukan nila na dapat at nagtutulungan sila sa isa’t isa, pinapatawad nila ang isa’t isa, hindi sila magnanakaw, hindi sila papatay, hindi sila makikiapid, hindi sila magtitsismis. Ang hindi sumunod sa mga ito ay hindi lalawitan ng awa ng punong diwata. Hinimok din ng mga diwata ang mga walian na sumunod kay Mempurok.
Subalit dahilan sa dami nila sa Kitubod, kinapos naman sila sa pagkain. Wala ring sarimbar na dumating. Nagpaalam naman sila; kokonti na lamang ang naiwan sa doon.
Ang ibang Muslim na nakisali na rin ay lumihis sa mga itinuturo ni Mempurok. Nireyd nila at pinagbabaril ang mga baka sa rantso ni Manyon, pinutol nila ang linya ng telepono sa pagitan ng Pikit at Banisilan, at pinagnakawan nila ang mga tao at pinapatay. Nang panahong ito ay mas marami na ang mga Muslim kaysa sa Manobo at hindi na sila makontrol ni Mempurok.
Nang makarating sa gobiyerno ang mga balitang ganito, kaagad silang nagpadala ng dalawang Bisayang sundalo na nakadamit Muslim. May suspetsa ang gobiyerno na si Mempurok ang namumuno sa mga Muslim na ito.
Nang bumalik na sa Pikit ang mga sundalo, nilagyan nila ng pananda ang mga daang patungo sa lugar kinalalagyan ni Mempurok.
Marso 23, 1927 nang dumating na ang mga sundalo. Nagkaputukan, tinamaan si Mempurok sa dibdib at dalawang paa. Tatlumpo sa kanyang mga tauhan ang napatay; maraming Muslim din ang nasawi. Marami ang nalunod habang tumatawid sa ilog sa kanilang pag-iwas sa putok. Ang mga miyembro ng pamilya ni Mempurok na nakaligtas ay dinala sa Balogo at doon sila pinangalagaan ng pinunong Muslim. Itong nasa litrato, ito si Datu sa Pelew Sumpel Mempurok (ibig sabihin Datu ng Kagubatan), anak ni Datu Busegew Mempurok. Nagkawatak-watak na ang mga Langkat, subalit patuloy pa rin sila, Manobo man o Muslim, sa kanilang mga dalanging Langkat, maging sa kanilang mga taguan.
Para sa ilang mga Muslim, ang kanilang iginagalang na Datu Ali na siyang nangulo sa pagsagupa sa mga Amerikano noong unang dekada ng pagdating nga mga Amerikano ay nagbalik sa katauhan ni Mempurok.
Hunyo 1986. Isinilang ang Lumad.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng mga tribu sa Mindanaw, doon sa siyudad ng Kidapawan, Cotabato, nagpasiya ang mga partisipante mula sa 15 tribu ng Mindanaw na tawagin silang Lumad, taga Mindanaw. Bisaya ito sapagkat sa pamamagitan ng wikang Bisaya, dito lamang sila nagkakaintindihan tuwing nagkakaipon-ipon ang iba’t ibang tribu.
Nagtatag sila ng isang Lumad Mindanaw na organisasyon. Dala nila ang bagong kolektibong kamalayan, napatanim din ang pagkakaroon ng kanya-kanyang makapagsarili sa loob ng sariling nilang teritoryo at pamahalaan ang sarili nang naaayon sa kanilang asal at kostumbre.
Wala na ang organisasyong ito, subalit ang pangalang Lumad ay nanatili at dumarami ang tumatanggap nito.
Isa pang konsepto ang napadagdag sa kamalayan. Kung papaano makikipagkapwa sa ibang mga mamayan ng Mindanaw at Sulu.
Isang Timuey na Erumanen ng Carmen ang nagsabi tanggapin ang ating kasalukuyan, bunga ng kasaysayan, at hindi na natin maaaring ibalik sa nakaraan. Batay sa senso ng 2000, ang mga Lumad ay 10 porsiyento ng Mindanaw-Sulu, ang mga Bangsamoro ay 20 porsiyento, at ang mga settler ay 70 porsiyento. Ituring nating isang kolon o palayok ang Mindanaw-Sulu, bawat grupo ay tatayong tungko ng palayok. Tanggapin natin ang isa’t isa, tumingin tayo sa dibdib, bilang tao, diyan tayo magkapantay, huwag tumingin tayo sa populasyon. Ang misyon natin na panatiling balanse ang kolon.
[Si Prof. Rudy Buhay Rodil ay aktibong historyan ng Mindanao, tagapasulong ng kalinaw (Bisaya sa kapayapaan). Kilala siyang espesyalista sa paghusay ng mga gusot sa Mindanao-Sulu. Naging Komisyoner noon ng Regional Consultative Commision sa siyang nagbuo ng draft organic law ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1988. Dalawang beses siyang naging miyembro ng GRP Peace Negotiating Panel. 1993-1996, pakikipag-usap sa Moro National Liberation (MNLF), at noong 2004-2008 sa pakikipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Naging visiting propesor sa Hiroshima University, Oktubre-Disyembre 2011. Nagretiro noong Oktubre 2007]