[Bayan Muna partylist Rep. Eufemia C. Cullamat, explains via Zoom, her “No” vote to HB 6875 (the proposed Anti-Terrorism Act of 2020) via Zoom, at the House of Representatives’ session on 3 June 2020]
NO ang boto ng representasyong ito sa panukalang Terror Bill. Ayon sa Kongreso at Malacanang, pangontra raw ito sa terorismo at mga terorista, subalit kung susuriin natin ito ng mabuti, may ibang layuning ang panukalang ito. Hindi ito para sa mga terorista kung hindi para ito sa mga kritiko, aktibista o sa mga ordinaryong mamamayan na tumututol sa mga katiwalian at maling pamamalakad ng gobyerno.
Ang Terror bill ay labag sa ating saligang batas. Walang ano mang panukalang batas ang dapat lumusot kung ito ay lumalabag sa ating konstitusyon. Partikular sa Section 1 Article 3 o ang Bill of Rights, na nagsasabing bago mapagkaitan ng buhay, kalayaan at ari-arian ang isang tao, dapat ay may due process. Dapat Korte ang magpapataw nito para masiguro ang due process.
Sa ilalim ng Terror Law na ito, ang Anti–Terror Council ay binigyan ng nakababahalang kapangyarihang mag-designate o magtakda kung sino ang terorista, kahit walang utos ng korte o marapat na proseso ng batas. Kapag nadesignate na bilang terorista, lahat ng parusa o measures na ipinataw ng batas na ito para sa terorista ay maaari ng gamitin laban sa binansagang terorista, kahit hindi dumaan sa korte o walang panghukumang proseso. Sa ilalim ng terror bill, maaari na ding makulong ang isang taong hinuli ng 14 days kahit hindi pa nasasampahan ng kaso.
Totoong nakakasuklam ang TERORISMO; dapat itong gapiin. Subalit hindi sa pagwasak sa mga saligang karapatan ng mamamayan na ginagarantyahan ng ating saligang batas. Walang magagaping terorismo kung ang iiral lamang ay ang Terorismo ng gobyerno laban sa kanyang mamamayan.
Nararapat ko lamang ilahad ang mga saloobin ko. Bilang isang Lumad na galing sa Mindanao, may responsibilidad ako sa bayan na ito at sa kapwa kong katutubo na tutulan at labanan ang baluktot at immoral na mga polisiya na kontra-mamamayanan.
Mahal ko ang bansa ko. Hindi ako pwedeng magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa mga pangyayari ngayon. Kaya’t palagi kong ipapahayag ang hinaing naming mga katutubo at magsasaka. Muli, hindi higit pang panunupil ang solusyon sa mapanupil nang sistema na nagdulot ng kawalan ng hustisya, lupa, disenteng trabaho.
Tutol ako sa terror bill sapagkat mahal ko ang aking bansa at ang aking mga mamamayan.
IBASURA ANG PANUKALANG TERROR BILL NA ITO.
READ:
Mindanawon reps warn anti-terror bill won’t eradicate but exacerbate terrorism