WebClick Tracer

THE VOTE: This law is not meant to combat terrorism; it is meant to give the state the power to tag whomever they please as a terrorist

[Basilan Rep. and Deputy Speaker Mujiv Hataman explains via Zoom, his “No” vote to HB 6875  (the proposed Anti-Terrorism Act of 2020) at the House of Representatives’ session on 3 June 2020]

May mga nagsasabi po: Wala daw dapat ikakaba ang mga hindi terorista. Tanging terorista o mga supporter ng terorista lang ang apektado sa batas na ito.

Linawin ko lang po: Wala pa ito sa uso, lumalaban na tayo sa terorismo. Dahil nga po ang mismong komunidad na pinakamalapit sa akin ang pinakanagdurusa dahil dito. Matagal ko na pong itinuring na misyon sa buhay na matuldukan ang salot ng terorismo. Maraming terorista na itinuring akong kaaway. Pero sa mga probisyong nabasa ko, naramdaman ko ang pangamba. Hayaan ninyong linawin ko kung bakit.

04mujiv
Basilan Rep. and Deputy Speaker Mujiv Hataman explains via Zoom his “No” vote to HB 6875 during the House of Representatives’ session on 03 June 2020. Screengrabbed from livestreamed session

Mr. Speaker, magkakasundo naman siguro ang lahat ng kasapi ng Kamarang ito: Ang batas, inaakda natin para sundin ng lahat; para ipatupad nang patas; para sumalamin sa pagkakapantay-pantay ng bawat mamamayan.

Kung gayon, hindi puwedeng malabnaw ang probisyon ng batas. Hangga’t maaari, ayaw natin itong maging open to interpretation. Ayaw nating ipatupad siya sa iba’t ibang paraan, depende sa huwisyo ng nagpapatupad, depende sa pulitika niya, o depende sa ganda ng gising niya sa araw na iyon. Ayaw nating maabuso ang batas, kaya ang kailangan, isang batas na matibay, malinaw at walang puwang sa misinterpretation.

Iyan ang natutuhan ko sa sariling kasaysayan at karanasan namin bilang Moro. Ang masaklap nga, hindi ko nakikita ang linaw at tibay ng batas na tinatalakay ngayon. Ang mas masaklap pa, parang nakakalimutan yata ng Anti-Terrorism Bill: Kadalasan, ang karaniwang tao ang nakakaramdam ng tunay na “terror”—kadalasan, galing sa mga nasa poder, at kadalasan, habang nagkukubli sa mga konsepto ng kaayusan at batas.

Tandaan sana natin: Terror ang naramdaman ng napakaraming salinlahi ng mga Moro habang napilitan silang lisanin ang tahanan, habang tinugis sila ng bala at bomba para sa isang digmaang di nila ginusto. Terror ang nararamdaman ng dalagang Moro tuwing babastusin siya dahil lang may suot siyang hijab; terror ang nararamdaman ng binatang Moro tuwing ibubully siya o tutuksuhin dahil humaharap siya sa Mecca ng ilang beses isang araw para manalangin. Terror ang patuloy na nararamdaman ng bawat Muslim sa tuwing pipigilin siya sa mga checkpoint at paparatangan o aarestuhin dahil lang may kahawig siya ng pangalan, o dahil sa kanyang hitsura, pananamit, o pananalita.

Sa pagtalakay ng batas na ito, may isang bagay na luminaw sa akin: Mas pinahalagahan ng panukala ang pagpapalawak ng saklaw ng kung sino ang puwedeng ituring na terorista, kaysa sa pagtukoy at paghuli sa totoong mga terorista.

Inilalagay ng batas na ito sa kamay ng isang Anti-Terrorism Council ang kapangyarihan na magtalaga kung sino ang terorista. Dapat nasa kamay ng korte ito, at hindi ng mga appointee sa politikal na puwesto. Hindi ba lalo lang nitong pinaiigting ang pangamba na puwedeng gamitin ang batas na ito para siilin ang mga kalaban sa pulitika ng sino mang nasa poder?

At sakali ngang mahuli ang isang taong inosente, ano ang maaasahan niya? Kahit walang warrant, puwede siyang madetain ng 24 araw nang hindi dinadala sa korte. Tinatanggal din ng bill na ito ang 500,000 pesos na kabayaran kada araw ng pagkakakulong para sa maling pag-aresto, mistaken identity, wrongful detention, o kahit pa ba planted evidence. In this sense, the bill sends a clear message to enforcers: Arrest anyone you want; anyway, wala namang bayad kung magkamali ka.

Ididiin ko rin: Walang eksperto mula sa hanay ng mga Muslim—kaming mga pinakaapektado sa mga implikasyon ng batas na ito—ang inimbita sa mga committee hearing, dito man sa Kamara o sa Senado. Wala galing sa National Commission on Muslim Filipinos; wala galing sa Bangsamoro Autonomous Region; wala galing sa alinmang Civil Society Organization. Kung hindi man lang tinanong ang mga ekspertong Muslim, paano isasalamin ng panukalang ito ang realidad sa mga komunidad?

Mr. Speaker, mga kasama, gusto kong linawin sa lahat: Ayoko ng terorismo. Mali ang terorismo. Ito mismo ang nagpahirap sa marami nating kababayan, at gumatong sa walang-hanggang siklo ng karahasan, pang-aabuso, at kahirapan. Walang puwang para sa terorismo o sa banta ng terorismo sa isang sibilisadong bayan. Kaya nga pilit ko ring hinahanap: Ano naman ba ang mga probisyon para totoong tugunan ang terorismo?
Sa hinaba-haba ng batas na ito; sa dinami-dami ng mga probisyon para palawakin ang saklaw ng kung sino ang puwedeng hulihin, ang inilaan nito para sa isang Program to Counter Violent Extremism: Tumataginting na isang paragraph. Hindi ba dapat nandoon ang tutok natin?

Mr. Speaker, coming from Basilan, malinaw sa akin ang pangangailang masugpo ang terorismo at violent extremism. Sa Basilan nag-ooperate ang Abu Sayyaf. Kami ang madalas na biktima ng terorismo: Kami ang nakikidnap, nasusunugan, namamatay kapag may terrorist attack.

Sa kabila nito, noong nakipag-ugnayan at nakipagtulungan kami sa iba’t ibang sektor para sugpuin ang Abu Sayyaf, nakita namin: May paraan para magbago sila. May paraan para magbalik-loob sila sa lipunan. May paraan para makumbinsi silang talikuran ang terorismo.

At hindi laging barilan o pag-aresto ang paraan na ito. Puwedeng daanin sa development. Sa dialogue. Sa pag-aruga sa mga komunidad. Maayos na edukasyon para umangat ang antas ng pag-iisip at hindi mahulog sa kamay ng mga recruiter ang kabataan. These methods, Mr. Speaker, these reform measures, are among the pillars of counter-terrorism.

I would hazard to say, Mr. Speaker, na ayon sa mahaba kong karanasan sa paglaban sa terorismo, natutuhan ko na ang pinakaepektibong pamamaraan ay higit pa sa pakikidigma, pagpaparusa, o hagupit ng dahas. Nasa tamang pakikipag-usap, pakikipag-ugnayan, pagbubukas ng loob, at pag-aaruga ang susi sa pagpigil sa terorismo.
None of these measure are present in this bill, Mr. Speaker. Uulitin ko: This law is not meant to combat terrorism. It is meant to give the state the power to tag whomever they please as a terrorist.

Hindi pa ba tayo natututo? Pag-etsapuwera, pagpapabaya, pang-aapi, pang-aabuso, paniniil ng karapatan at kalayaan—ito ang tunay na nagtutulak sa ilan tungo sa violent extremism. Sana nga ay mamulat ang lahat: Kung ganito kalabnaw at kalawak ang mga probisyon—kung ganito kadaling ma-misinterpret o maabuso ang nakasaad sa batas—baka lalo lang mapalala ng batas na ito, kaysa maampat o mapigilan ang terorismo.

Sa ngalan ng aking nasasakupan sa distrito ng Basilan, at sa ngalan ng bawat Moro na naparatangan, naaresto, at inetsapuwera dahil lang sa aming pagka-Moro; sa ngalan ng lahat ng tunay na nakaramdam ng terror ng hidwaan at pang-aapi, sinasabi ko: Hindi ito ang paraan. Hindi matutugunan ng batas na ito ang terorismo.

BUMOBOTO AKO NG MALINAW AT WALANG-PASUBALING “NO” SA ANTI-TERRORISM BILL.

READ:
Mindanawon reps warn anti-terror bill won’t eradicate but exacerbate terrorism

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
Send us Feedback