It’s late in the evening… Narinig ko itong paborito mong kanta kagabi mula sa Kanto habang nagpapatila ng ulan. Alam kong hindi mo boses pero naalala kong kalimitan mo itong nirerequest o kinakanta sa ating night outs kasama ang barkada sa Avenue Grill o Café Florencio sa Kodabato. Naalala ko tuloy ang kwento mo tungkol kay Rizal at kung paano siya nagpaalam kay Huling. At sa iyong Dear Someone na iyong sinasamba’t kinahuhumalingan sa iyong FB posts tuwing kalagitnaan ng gabi.
Bakit nga ba di mo man lang siya ipinakilala sa amin? Siya ba ay tunay o sadyang imahinasyon mo lamang? Pembalengan pen ba si tayan?
Dalawamput tatlong taon din ang ating naging pinagsamahan. Kalalabas mo lang ng kulungan noon. Sariwa pa ang mga gasgas at bakas ng tortyur sa iyong mukha’t katawan. Nang tinanong kita kung ano ang iyong plano sa buhay ngayong nakalaya ka na, sinagot mo ako ng: “Hindi pa tayo ganap na malaya. Babalik ako sa Mindanao to contribute to the liberation of my people and my homeland. Habang may inaapi at pinagsasamantalahan, tuloy ang laban!”
Nagsanga muli ang ating mga landas pagkalipas ng dalawampung taon. Kasama ng Tiyakap Kalilintad o MINHRAC (Mindanao Human Rights Action Center), tinahak natin kasama ni Rocky o ni Tay Willy at dalawa mong minsay very lovely, minsay pasaway na daughters ang kabundukan ng Upi at Maguinadanao; tinawid natin ang Pulangi at ang mapanganib na kapawasan. Maraming nangyari sa pagitan: Peace Accord, MoA-AD, All-Out-War. Marami ring kuwento, halakhak at yosi sa pagitan. Dinig ko muli si Babu Minda sa mataray niyang kasisigaw : Sammmmyyyy…!
Pagkagat ng dilim, parang binata kang nakaporma para mamanhikan. Dala ang iyong dalawang cellphone na kadalasa’y kapos sa o walang load, parang si Eddie Garcia o Al Pacino kang papasok sa Avenue Grill, Tatis o Café Florencio at sa pagitan ng texting, yosi, malamig na maliga koda at kilawin, hinaharana natin ang gabi sa kwentohan tungkol sa politika, walang katapusang gyera, tayan at pakikibaka. Bihira kang magkuwento tungkol sa iyong pamilya. Basta’t ayon sa iyo, inagaw mo ang dapat sana’y magmamadre mong asawa kay Jesus Christ . Di pa man nag-uumpisang tumugtog ang banda, humihirit ka na ng kapirasong papel at bolpen para ilista ang iyong requested songs: Imagine, Journey, Tears in Heaven, Himig ng Pag-ibig, Wonderful Tonight. Mas kompleto ang gabi kung ikaw ay nasa stage, hawak ang mikropono at bumabanat ng “And more, much more than this, I did it my way…”
Marami ang nagsasabing kumunista ka daw, maliga. Suot ang iyong trademark na pulang t-shirt at checkered na shawl, madalas kang nasa mga rally, press conference, demo at laging nagpapaunlak ng interbyu sa mga mamahayag at sa radio. Sa rally man o hindi, laging bukambibig mo ang tatlong ismo at ang Ibagsak! Isulong! Kahit nakakairita, nasanay na rin ako sa iyong mga islogan at monologo; bahagi na iyan ng iyong pagkatao at naging malupit na karanasan sa ilalim ng batas militar. Subalit nakaangkla ka pa rin sa adhikain at pakikibaka ng Bangsamoro. Malimit mong binabanggit at ipinapaalala ang sinabi ng ayon sa iyo’y The Great Mujahedeen Sheik Salamat Hashim: “I know I am getting old and soon will leave this earth, but I am happy to have planted the seeds of jihad in the hearts of the next generation.”
Pula ka at berde. Ngunit madalas kang bansagang pulahan o maliga, lalo na sa iyong pananalita at dahil sa iyong pulang kabayo na sabi mong nakangiti ay laging naghihintay sa iyo sa langit. Dagdag mo pa: “Kung ang sinakyan ni Prophet Muhammad ay bora’q o puting kabayo, ang sa akin naman ay pulang kabayo.” Di pa sikat ang kantang ‘Banal na aso, santong kabayo’ noon.
Marami rin ang napaniwala mong ang dami mong tayan. Lagi mo kasing kinakanta ang “Balengan ka den tayan…” Marahil nga dahil ayon kay Manong Zen, laglag sila sa boses at ngiti mo. Ang alam ko lang, marami kang text mates pero hanggang text nga lang. Takot at loyal ka pa rin kay Baby na inagaw mo kay Jesus Christ. Baka multuhin mo pa ako kaya’t di ko na ikukwento kung paano ka muntik na mapaibig o nagkunwaring inibig ng ilang sa mga nakasamang ladies, European man o Pinay.
Nalungkot ka nang ako’y sandaling nawala sa Mindanao. Sabi mo, wala ka nang makakausap (at siyempre makakakoda). Di ko na halos makilala ang iyong boses nang tayo’y nagkausap sa telepono bago ka ipasok sa hospital. Maraming mga kaibigang kusang nagbigay ng donasyon para sa iyong pagpapagamot. At nang dalawin kita sa iyong muling binalikang pamilya nang iyong huling kaarawan, para kang si Hesukristong muling nabuhay. Hindi dahil sa koda kundi sa mga kwento ng ating dating pinagsamahan at mga kaibigang patuloy pa ring nakakaalala sa iyo’t kumikilala sa iyong naging kontribusyon sa pagbabago ng lipunan (naalala ko tuloy ang Bagong Lipunan ni Marcos at ang isdang may ganon ding pangalan). Sa wakas, nakilala ko na rin ang babaeng inagaw mo kay Jesus Christ, ang iyong dalawang mahal na anak na si Charo at Yasser at ang tatlo mong apo. Nakataas pa rin ang iyong kamao nang tayo’y kinunan ng retrato. Di ko alam, iyon na ang ating huling pagkikita. Di man lang ako nakapag Huling Paalam.
Noong Lunes ng gabi, nanaginip ako. Humiling ka na ibabalot ko ang iyong katawan na parang suman o lumpia sa dahon ng saging. Pinaunlakan kita. Alam ko, iyon na ang iyong pamamaalam. Sayang, di man lang tayo nakapagkoda sa huling pagkakataon.
What a journey it has been… Rest in peace Bapa Sam. Salamat sa makulay na pinagsamahan. Di ka namin makakalimutan. Batid kong nakangiti kang nakataas pa rin ang kamao sakay ng pula o puting kabayo sa kalangitan.
Davao City, 06/20/2019
(Daniel Ong is a Mindanawon who has worked with local, national and international development organizations and is a long-time friend, confidante and sometimes accomplice of Bapa Sam)