Ngunit sa kabila ng maraming transpormasyon sa burukrasya, sa sistema, at sa mga tatao sa mga puwestong pampamahalaan, ang totoo naman po talaga: Sa puso natin, ang Bangsamoro ay magpapatuloy lamang.

Ang pinakapundasyon natin, ang pinakadiwa natin, ay mananatiling buo at di matitinag. Ang Bangsamoro ng ating mga ninuno—ang Bangsamorong walang-patid nating minana mula sa unang mga Moro na nagbungkal sa ating mga lupain at nangisda sa ating mga ilog at dagat, silang mga unang tumingala sa ating langit at ngayon ay nakalibing sa ilalim ng ating mga talampakan — ang Bangsamorong pamana nila ang siya pa rin nating ipapasa sa susunod na henerasyon.
Meron nang Bangsamoro bago pa dumating ang dayuhan; mananatiling may Bangsamoro hanggang sa ating mga kaapu-apuhan. Ang Bangsamoro ay magpapatuloy lamang.
Totoo ito dahil ang Bangsamoro ay wala sa mga dokumento o kontrata o papeles. Ang Bangsamoro ay ang tao, ang lahi, ang kultura, ang puso, ang dugo na idinilig sa lupaing ito. Ang Bangsamoro ay ang lahat na dumaan sa karanasang Moro: Lahat ng inagawan at inapi; lahat ng iniwasan dahil sa kanilang salita o pananamit; lahat ng nagsakripisyo o nagtrabaho nang tahimik. Ang Bangsamoro ay ang bawat mujahideen; ang mga ama at ina at anak at kapatid ng mga mujahideen; ang mga pinaslang sa Bud Dajo at Palimbang at sa napakarami pang ibang lugar. Ang Bangsamoro ay ang mga kabataang nagpapakita ng husay at talino — mga atleta, mga sundalo, mga manunulat at pintor, mga programmer at guro at abugado at doktor at negosyante, mga pinuno na nagkakamit ng kani-kanyang mga tagumpay. Lahat ng nanalig na isang araw ay mababawi natin ang ating dangal, at kikilalanin tayo bilang mga taong mayroong dignidad at angking kadakilaan. Tayo ang Bangsamoro.
Marahil nga po, nasabi ko na ang halos lahat ng masasabi ukol sa nakaraang pitong taon. Ang mga tulay at kalsada; ang mas maayos na serbisyo; ang panibagong kabanata ng kapayapaan; ang mga reporma sa pamamahala—malinaw na naman siguro sa lahat ito. Iiwan natin ang rehiyon nang mas malakas, mas maunlad, mas maipagmamalaki kaysa sa ating dinatnan. Nakapagpasalamat na rin ako sa mga dapat pasalamatan—sa mga kapwa-pinuno, mga sumuporta, mga staff, pati sa aking pamilya.
Sa puntong ito, nais ko na lamang mag-iwan ng mga huling pakiusap sa inyong lahat.
Una po: Alam naman po siguro ninyo na ang Regional Governor ng ARMM ay isang automatic member ng Bangsamoro Transition Authority. Dito ko na po ipagpapaalam sa inyo: Nais ko po sanang maagang bitawan ang puwestong ito. Nasa punto ako ngayon kung kailan ko gustong tutukan ang aming mga komunidad sa Basilan; hindi po makatarungan para sa kanila, at para sa BTA, kung mapipilitan akong hatiin ang aking atensyon. Buong-buo po ang tiwala ko sa ating 80-member BTA; bagaman pormal kong bibitawan ang puwesto ko bilang kasapi upang mapunan ng iba, lahat naman po sa kanila ay mga kaibigan at may direktang linya sa akin. Sa impormal na paraan, maibibigay ko naman po ang aking payo bilang dating RG ng ARMM. Kay Interim Chief Minister Murad: Anumang oras, bukas ang pinto at telepono ko para sa iyo. Kung may maitutulong ako, sa kahit anong paraan, lalo na kung para sa ikabubuti ng Bangsamoro, isang tawag mo lang. Nandito ako para tumugon.
Kung ano po sanang suporta ang ibinigay ninyo sa akin, sana iyon din ang suportang ibigay ninyo sa BTA at sa pamunuan ni Interim Chief Minister Murad, pati na rin sa mga susunod pang gobyerno na bibigyang-lakas ng taumbayang Bangsamoro. Kung anong tiwala ang ipinagkaloob ninyo sa akin, pakiusap ko po sanang ibigay din ninyo sa kanila. Kung anong pagbabantay upang hindi ako malihis ng landas, kung anong pagsuri para manatili akong tapat sa aking tungkulin, at kung anong pakikiambag upang maabot ang ating mga adhikain, pagsikapan din po nating ibigay sa lahat ng mga susunod sa akin. Kailangan natin ang pagkakaisang ito, lalo pa dahil bagama’t naipasa na ang batas at nagtu-turnover tayo ngayon, marami pang mga detalyeng dapat pandayin upang masigurong mabibigyan ng sapat na lakas ang BTA at magiging maayos ang transition period.
Sa kabila nito, sigurado ako: Ang bagong liderato ay binubuo ng mararangal at mahuhusay na tao. Kung ano man ang mga trabahong hindi pa natin natatapos, tiyak kong itutuloy nila; kung ano man ang pagkukulang ng ating administrasyon, tiyak kong mapupunan nila ito. Ako na nga po ang unang aamin na hindi natin nagawa ang lahat ng pinangarap nating gawing reporma. Ididiin ko sa BTA: tungkulin na rin ninyong hanapin ang mga pagkukulang at pangangailangan upang lalong maging tapat at matibay ang ating sistema. Kung ano ang makita ninyong dapat pang ayusin, ayusin na po ninyo kaagad. Makakaasa kayo sa buong-buo kong suporta.
Iisa lang po ang landas sa ating kolektibong tagumpay. Kailangan lalo tayong magkaisa. Hinihiling ko po sa lahat: Kilalanin ang kapwa Moro bilang kakampi; ituring ang isa’t isa bilang kasangga sa bawat laban; mahalin at magtiwala sa isa’t isa, dahil alam po nating lahat: Moro ang unang tutulong sa kapwa Moro. Moro ang unang dapat maasahan ng kapwa niya Moro.[]