(Talumpati sa pambansang kumperensya ng Laban ng Masa, ginanap sa Bahay ng Alumni, UP Diliman, nuong 29 Oktobre 2017. Para malagyan nang konteksto at malinaw na paglalahad, may mga konteng dagdag sa talumpati pero walang ginawang pagbago sa kabuuang buod ng mensahe.)
LUNGSOD NG QUEZON (MindaNews / Nob 2) – Isang mapagpalayang pagbati ngayong araw sa inyong lahat!
Ngayong nahaharap sa panibagong hamon ang sambayanan, mahalaga na may mga pag-organisa at pagtalakay ng mga isyu tulad nitong pinamumunuang pagtipon ng Laban ng Masa. Matingkad sa mga hamon na ito ang paglaganap ng karahasan at pagpatay sa mga ordinaryong mamayan sa ngalan ng “War on Drugs.”
Karugtong nito ang pagsiklab ng giyera sa Marawi at pagka-antala ng usaping pangkapayapaan sa mga kaliwa at mga rebeldeng Moro sa Mindanao at Sulu Arkipelago. Pinalala ito nang paglaganap ng terorismo at pagmaniobra at paggamit bilang “pretext” ng mga dambuhalang bansa sa terorismo ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) para mapalalim pa ang kanilang pagkontrol at hegemonya sa Pilipinas at Timog Silangang Asya.
Tungkol sa “War on Drugs,” ating tahasang sinasabi na kahit saan anggulong tingnan hindi tama at lalong hindi makatarungan ang pagpatay sa sino man. Ayon sa Saligang Batas ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa kung saan kinikilala ang karapatang pantao at ito ay may mga demokratikong institusyon at mga mekanismo na gagamitin sa pagpapatupad ng mga batas na patas sa kahit sino man. Pagsiniil ang mga batayang prinsipyo ng demokrasya at mga batas na ito at magamit ng Estado bilang instrumento ng karahasan at pagmamalabis, malalagay sa panganib ang demokrasya at mga karapatan ng mamamayan.
Tungkol sa usaping digmaan sa Mindanao, marami ang nagbunyi nang matapos na ang limam buwang giyera sa Marawi. Pero ang masaklap na katotohanan ay nagbukas ang giyerang iyon ng isang “theater of war” sa sentro ng rehiyon ng Lanao kung saan ang malalimang epekto nito ay hindi maaring maglaho nang ganun-ganon lang. Ang giyera sa Marawi ay nagdagdag sa mga lugar na pangkaraniwan na umiikot ang giyera – sa Magindanaw, sa Basilan at sa Sulu Arkipelago at mga karatig probinsiya at siyudad. Ngayon ay nagpakita na sa bawat probinsya at siyudad ng Bangsamoro ay may kanya-kanya nang presensya ang mga rebelde at radikal. Dahil dito, binago nang giyera ang lumang Marawi kung saan, dati, siya lang ang siyudad na hindi napinsala sa madalas na giyera at digmaan sa Mindanaw nuong nakaraang dekada hanggang sa kasalukuyan. Pero, hindi na ngayon at hindi na rin sa darating na panahon.
Bago ang giyera, ang Marawi ay kahalintulad sa isang natutuyong batis kung saan matagal na di nadaanan nang tubig. Dahil sa tindi ng “ulan” gawa nang limam buwang “urban warfare” ng mga militar laban sa ISIS-Maute Group, ang katiting na “ulan” sa susunod na mga alitan ay mabilis na magpapabago sa daloy nang tubig at pagtaas ng posibilidad sa unti-unti nitong pagkapagiging sapa. Ito ang kasaysayan ng mga probinsya ng Sulu, Basilan, at Magindanaw at ibang parte ng Lanao kung saan hindi na naghilom ang sugat – dahilan na tuloy-tuloy ang pagsiklab ng giyera sa mga lugar na iyon simula pa nuong unang deklarasyon ng Martial Law nuong dekada setenta.
Ang sugat na iniwan ng giyera sa Marawi ay hindi madaling mapahilom nang kung ano mang pangako at rehabilitasyon. Katulad ng mga kabataang Tausug, Yakan at Magindanao, matagal na panahon ang kailanganin bago makalimutan nang mga kabataang Maranaw ang nangyari sa kanilang siyudad. Maaring kikimkimin nila ito at sapilitang di-ipakita ang kanilang nararamdaman; subali’t dahil sa lalim ng sugat sa kanilang maratabat o yung kanilang tradisyonal na pagpapahalaga sa kanilang pagkatao, lalabas at lalabas ang mga manipestasyong ito sa sari-saring problema na magpapalalim pa ng kanilang pagkapoot at paghihinakit sa mga radikal na grupo at pamilya at mga trapo na may kinalaman sa “narco-politics” pati na rin ang mga militar na sumira sa kanilang lugar dahil sa paniniwala na “overkill” ang ginawang malawakang pagbomba ng mga sundalo at pagwasak sa kanilang siyudad. Di pa natin sinasantabi ang paglala ng rido o awayan ng mga pamilyang Maranaw pagdating ng araw.
Terorismo man kung ituring ang panlabas na anyo ang nag-udyok sa giyera sa Marawi, ang totoo, naka-angkla ang isang parte nito sa pakikibaka ng mga Bangsamoro lalo na sa kanilang kagustuhan na magkaroon ng totohanang sariling pagpapasya, kasarinlan, at kalayaan. Ang ibang parte ay nakadikit sa pakikibaka ng kamusliman sa buong mundo sa tinatawag na “structural globalization” kung saan ang pasimuno nito ay mga dambuhalang bansa at kanilang mga galamay. At pinatingkad ang tunggaliang ito sa Gitnang Silangan kung saan ang deretsahang sumagupa dito ay ang “transnational political Islam.” Itong huli ay ang pinaghuhugutang ideolohiya ng ISIS, Al-Qaeda, Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at Maute Group at marami pang iba na mga radikal na grupo sa ibang bansa.
Dahil sa kakaibang teoriya ng “political Islam” tungkol sa pangkalahatang kaayusan at kaunlaran o “world order,” mas lalong nagamit nang mga dambuhalang bansang ito ang pakikibakang “political Islam” para palawigin ang kanilang hegemonya at imperialismo sa buong mundo. Pinalala din ito, nuong una pa, sa pagkabigo ng lumang sosyalismo para hatakin ang “Arab nationalism” ni President Gamel Abdelnasser at ang kanyang naudlot na eksperimento sa “Arab socialism” at ang Ba’ath party sa Iraq at Syria para humanay sa dating USSR at China hanggang sa pinabagsak ang mga ito ng mga “Islamic fundamentalist” at mga monarkiya na galamay ng Estados Unidos.
Ang pagkapanalo ng Israel sa giyera nito laban sa Egypt nuong 1967 ay hudyat sa pagbagsak ni Abdelnasser at paglakas ng grupongIkhwanu l-muslimeen sa pamumuno ni Syed Qutb kung saan ang katuruan ng huli sa ideolohiyang “political Islam” ay nakapag-impluwensya ng maraming kabataang Muslim sa buong mundo katulad nina Osama bin Ladin at Ayman al-Zawahiri ng Al-Qaeda kasama na sina Salamat Hashim ng MILF at sumunod si Abdurajak Janjalani Abubakar ng Harakatu l-islamiyyah o ang mas kilalang Abu Sayyaf. Dahil sa pagkabuo ng ISIS, hindi nakapagtataka kung sumunod sa larangang takfiri radikal sina Isnilon Hapilon at ang kanyang mga nauna pang kasamahan at ang bagong usbong Maute Brothers. Ang pag-takfir ay ang pagbansag sa tao – Muslim man o hindi – na di-naniniwala sa Diyos o “unbeliever” kaya, sa ideolohiya ng ISIS, pwede silang patayin.
Dahil sa giyera sa Marawi, titindi pa ang sitwasyon sa Mindanaw na maaring mas lumala pa kaysa nuong panahon ng Rehimeng Marcos. Kung hindi kinaya nang Martial Law ni Marcos ayusin ang problema ng Mindanaw nung araw, anong mayroon sa Martial Law ngayon ang sinasabi na mag-aayos sa problema ng Mindanaw – kung yung mga dati pang problema ay mas lumala pa at ang rehabilitasyon at pagbangon muli ng Marawi ay kulang pa ang nalalabing taon ng Duterte Administration para maisakatuparan ito? Hindi lang bilyung-bilyon pondo ang kailangan para sa pisikal na rehabilitasyon ng nasabing Lungsod; pero isang kumprehensibong rehabilitasyon ang kailangan kung saan mahalaga, unang-una, ang maibalik nang mga Maranaw ang kanilang tiwala sa pamahalaan at mailayo sila sa ideolohiya ng radikalismo.
Dahil dito, isang “test case” sa Digong Adminstration ang rehabilitasyon ng Marawi. Kung hindi maayos ang kabuuang plano, stratehiya at mga alituntunin ng rehabilitasyon, hindi malayo ang posibilidad na mauwi ang pangakong rehab ng Marawi sa kinasadlakan ng Tacloban dulot ng Super Typhoon Yolanda at yung giyera sa Siyudad ng Zamboanga nuong 2013 kung saan nagiging ugat ito ng korupsyon at katiwalian maski na natapos ang termino ng Administrasyong Aquino. Kung ang pagbabasehan ay rehabilitasyon ng Jolo pagkatapos ng malaking giyera ng pamahalaan sa Moro National Liberation Front nuong 1974, hindi garantiya ang “expedient integration policy” at pagbuhos ng mga proyekto at programa para pahupain ang kagustuhan ng mga kabataang Moro ituloy ang kanilang pakikibaka. Ganito rin ang epekto ng maraming mga kaso ng post-conflict rehab sa Maguindanao at Basilan.
Kung sanang pursigido ang pamahalaan sa usaping pangkapayapaan sa Mindanaw at sa panukalang BBL (Bangsamoro Basic Law), Pederalismo, at Charter Change ay hindi sana nakasingit ang ISIS-Maute at nakapaglunsad ng kanilang giyera sa Butig, sa Piagapo, at sa Marawi. Nagamit sana, nung una, nang gobyerno ang mga mekanismo ng “ceasefire sa “peace agreement” ng “Moro fronts” para mailatag ang “security measure” sa maraming parte at kritikal na lugar sa Mindanaw. Kung nangyari ang mga pag-aagap na iyon, nakatulong sana ang “Moro fronts” para pigilan ang nuong namumuong pagdami at pagpapalakas nang Ansar Khalifah at Maute Group sa bandang yun ng Lanao. Dahil sa masyadong nakatutok sa “War on Drugs” at nilagay lang sa status ng “stalemate” ang mga “Moro fronts” at pinaasa lang sa pangakong BBL at Pederalismo – mga pangako na hanggang ngayon ay pangako pa rin – nagkaroon tuloy nang dahilan at pagkakataon ang mga bagong radikal na makapaglunsad nang kanilang giyera.
Sa ganang akin, ang mas kritikal na dahilan kung bakit malabnaw ang pag-usad ng usaping pangkapayapaan sa Mindanaw ay dahil sa tumataas na “comfort level” o tahasang pagsandal at lumalalim na relasyon ng gobyerno ni Duterte sa mga dambuhalang bansa tulad ng China, Estados Unidos, at Russia at ibang mga kaalyado nito. Dahil sa giyera sa Marawi at ang tuloy-tuloy na giyera sa Mindanao na pinapangalandakang “ISIS terrorism,” madaling nakapagtanim nang pangangailangan sa Pilipinas itong mga dambuhalang bansa at nagawa nila ito bilang “pretext” o mga dahilan upang mapalawak pa ang kanilang “geopolitical, economic, and strategic interest” lalo na ang kanilang pagbenta ng armas na pandigma.
Karaniwa’y ginagawa nila ang pagpapadami ng armas sa kanilang kaalyado tulad ng Pilipinas bilang donasyon; pero, parang “cellphone,” pwedeng ipamigay ito nang libre ng mga dambuhalang kumpanya dahil tiyak na mangangailangan din ng “load” ang sino mang may cellphone at bibili din naman siya pagdating ng araw sa sino mang may kontrol ng “cellphone” at “load.” Ganun din ang mga baril at bala; walang saysay ang mga baril kung walang mga bala kung saan ang malaking pinagkukunan nang dalawang ito – dalawang instrumento ng malawakang pagpatay sa buong mundo – ay kontrolado ng “Military-Industrial Complex” ng bawat dambuhalang bansa at mga “regional players.”
Dahil parte na ng kapitalistang kaayusan at industriya ng armas ang “sadyang di-maayos na pagsara ng gripo” ng mga hukbong sandatahang lakas ng iba’t-ibang bansa ang kani-kanilang imbakang pang giyera o “logistic command,” itong mga armas at mga kagamitang pang-giyera at terorismo mismo ang umaabot sa kamay ng mga rebelde at radikal at kung anu-ano pang mga grupo. Kung ang sabi nga ni Noam Chomsky, isang respetadong manunulat, ay “US sledgehammer” o yung paglusob nang Estados Unidos sa Iraq ang dahilan (o maski ito man ay “unintended consequence” lamang) kung bakit nabuo ang ISIS, sa puntong into, ay hindi mahirap sabihin na, sa totoo lang, magkarugtong ang bituka o di kaya’y magkawangis sa lumang salamin ng imperialismo ang may pakana ng “international terrorism” at “global hegemony.” Di nakakapagtaka kung bakit walang malalimang imbestigasyong ginagawa sa isyung ito ang maraming mga bansa. Tulad ng giyera sa Marawi, ang malaking tanong: saan galing ang mga matataas na kalibre ng armas at bala na ginamit ng mga Maute, Abu Sayyaf at mga foreign fighters?
Itong pagkasadlak ng Pilipinas at ang kanyang tahasang pagsandal sa mga dambuhalang bansa ay hudyat na siya’y magiging sunud-sunuran na lamang sa kanilang dikta. Sa simpleng pagpalit-palit ng alyansa mula sa isang dambuhala papunta sa isa ring dambuhala ay hindi mangangahulugan nang pagkabuo ng tinatawag na “independent foreign policy.” Ang sukatan ng totoong “independent foreign policy” ay ang kapasidad na kayang tumindig ang isang bansa sa kanyang dalawang paa at hindi siya nagiging parang bola pinagpapasa-pasahan mula sa kamay ng mga dambuhala. Ito’y parehong sitwasyon kinasadlakan ng maraming mga bansa sa Gitnang Silangan – ka-alyado man o kaaway – kung saan sila’y parehong nagagamit at napapasailalim sa dikta at hegemonya ng mga dambuhalang iyon.
Pag hindi nagbago ang sitwasyong ito, mas malaki pang mga hamon ang haharapin ng sambayanang Pilipino at Bangsamoro. Kaakibat sa mga hamong ito ang lumalalang kondisyon ng mga mahihirap, walang humpay na pagpasok ng mga dayuhang interest, pamamayagpag ng mga trapo, pagmamalabis ng mga drug lords at warlords at ang kanilang tuloy-tuloy na pagkamkam ng mga lupain sa mga kanayunan at probinsya. Tandaan natin na bago pa man ang giyera sa Marawi, matindi na ang hagupit nitong mga kondisyong ito sa Mindanaw lalo na sa maraming naghihikahos nating mga kapatid na Bangsamoro.
Dahil dito, tayo’y nakikiisa sa panawagan na wakasan na ang Martial Law at tuldukan na ang mga paulit-ulit at walang kinahihinatnang giyera at maging seryoso sa usaping pagkapayapaan at paigtingin pa ang pakikibaka laban sa terorismo at ang pagmamaniobra ng mga dambuhala sa lupain ng Mindanaw at Sulu Arkipelago.
(Si Julkipli Wadi ay Propesor ng Araling Islamiko sa Unibersidad ng Pilipinas.)