[Sponsorship speech of Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao for House Bill No. 4982 (SOGIE Equality Act) at the House of Representatives on 14 March 2017]
The Anti-Discrimination Bill, now known as the SOGIE Equality Bill, was first filed in the 11th Congress by Akbayan Party-List Representative Etta Rosales. Under her stewardship, the bill was approved on third and final reading in the 12th Congress, but was not enacted into law when it was stalled in the Senate. In 2006, during the 13th Congress, the proposed measure reached second reading. Now, 11 years after, we find ourselves in the same position. It has been more than a decade since the bill that seeks to prohibit discrimination on the basis of sexual orientation and gender identity and expression (SOGIE) has seen the light of this session hall.
Mula noong ako ay unang pumasok sa Kongreso bilang Kinatawan ng Akbayan, hanggang ngayon, sa dalawang termino ko bilang Kinatawan ng Dinagat Islands—kasama ng iba pang mga naniniwala sa pantay na karapatan mula sa ating hanay—walang humpay po nating itinulak ang pagpapasa sa SOGIE Equality Bill.
Mister/Madam Speaker, mga kasama—ngayon ay mas abot-kamay na ang pag-apruba sa isang panukalang noon pa man ay dapat nang isinabatas. Halos dalawang dekada na po ang ating hinintay. Halos dalawang dekada na po ang hinintay ng mga kapwa Pilipino nating nanonood sa atin ngayon. Sa mahabang panahong iyan, tiyak ako na mas nabubuksan na ang mga puso’t isipan ng ating mga mamamayan sa pangangailangang ipagtanggol ang ating mga kapwa tao.
Sa katunayan, nitong 2013 lang, ayon sa SWS survey, 85% ng mga Pilipino ang naniniwalang may karapatang maprotektahan ang mga LGBT mula sa diskriminasyon.
Pero sa totoo lang, maliit na dahilan lamang ‘yan para makumbinsi tayo. Ang mas matimbang na rason dapat ay magmula sa ating batayang prinsipyo, mga kasama.
Mister/Madam Speaker, mga kasama, hihiram ako ng isang salita mula sa mga millennial—HUGOT. Lagyan po natin ng hugot mula sa ating mga puso ang pagboto para sa mahalagang panukalang ito.
May mga mamamayang natanggal sa trabaho dahil lamang nalaman sa opisina nila na sila ay umiibig sa kapwa nila lalaki o babae. May mga kabataang pinapaalis sa paaralan o kaya pinapapirma ng kontratang nagsasabing hindi sila kikilos na parang bakla o lesbyana, kung hindi tatanggalin sila o parurusahan. Payag po ba tayo rito, Mister/Madam Speaker, mga kasama? Keri lang sa atin ‘yun?
Papayag po ba tayo na ang tingin sa pagiging LGBT ay isang sakit o disorder? Sa mga Kongresistang naririto ngayon at nakikinig na mayroong staff members na LGBT—marami po sila at araw-araw natin silang kasama—mukha ba silang may sakit?
Sa mga naririto ngayon na may anak, kapatid, pinsan, pamangkin, apo, o kaibigang LGBT—papayag ba kayo na mangyari sa mga mahal niyo sa buhay ang dinanas ng iba na panlalait at pananakit?
Ito po ang realidad, Mister/Madam Speaker, mga kasama—hindi pa rin tinatrato nang may pagkakapantay-pantay ang mga mamamayang nagkataon lamang ay nabibilang sa LGBT community, lalo’t higit sa mga nasa mahihirap na komunidad. Kahit sinasabi pa ng 85% ng mga Pilipino na dapat silang protektahan sa pamamagitan ng batas, walang saysay ito kung hindi tayo kikilos para gampanan ang ating tungkulin para sa ating mga mamamayan at kapwa tao.
Mister/Madam Speaker, mga kasama—nasa punto tayo ngayon kung kailan nabibigyan natin ng pag-asa ang mga kapwa nating matagal nang inaalipusta at tinatapakan sa ating lipunan.
Ang SOGIE Equality Bill, kapag ito ay isinabatas, ay hindi magdadagdag ng bago o espesyal na karapatan. Ang hinihingi lamang nito ay paninidigan at isakatuparan ang batayang mga karapatan nga mga kapwa natin tao at Pilipino.
Mula preambulo hanggang sa mga prinsipyo, tinitiyak ng ating Saligang Batas ang pagkakapantay-pantay. Nakapaloob din dito ang pagpapahalaga sa dignidad ng bawat tao at pagtitiyak ng buong paggalang sa karapatang pantao.
Sinasabi ng mga tutol sa panukalang ito, babae at lalaki lang daw ang kinikilala sa Saligang Batas. Oo, sinabi talaga ito sa isang committee hearing noong 15th Congress. Kung ganun, ano po ang nais niyang sabihin? Na dapat bumuo na lang ng sariling bansa ang mga LGBT? Huwag po sana nating paikutin ang diwa ng ating Konstitusyon at ng ating mga batas. Ang kinikilala ng mga ito ay ang lahat ng mga mamamayan. Sabi nga sa social media: Don’t me!
Sinasabi ng mga tutol sa panukalang ito, magkakaroon ng same-sex marriage pag isinabatas ito. Basa-basa po tayo pag may time. Walang anumang probisyon na nagsasabi na magkakaroon ng same-sex marriage. Ibang usapin iyon. Huwag po nating palawakin ang imahinasyon sa paggawa ng sariling interpretasyon. Kalma lang po. Tungkol ang ito sa pagtatanggol sa mga LGBT mula sa pananakit, pang-aalipusta, at pagkakait ng mga oportunidad na nabibigay sa isang indibidwal na mamamayan—access to education and healthcare, security of tenure, delivery of basic goods and services, safety in public spaces, at iba pa.
Sinasabi ng mga tutol sa panukalang ito, matatapakan daw ang religious freedom nila kapag naipatupad ito. Una sa lahat, matagal nang mayroong proteksyon ang kalayaan sa pananampalataya sa ilalim ng batas. Tama lang na mag-exercise ng religious freedom. Ang mali ay kapag sinasabi na okay lang manakit ng isang kapwa taong tignin nila ay makasalanan. ‘Yun po ang susubukang pigilan ng SOGIE Equality Act.
Buksan po natin ang ating mga puso’t isipan. Huwag po nating sabihing hindi na kailangan ng mga LGBT ang pagkakaroon ng batas na magtatanggol sa mga karapatan nila dahil mayroon nang existing laws na gagawa nito. Hindi po ito totoo.
Habang may mga batang sinasaktan ng magulang—binubuhusan ng kumukulong tubig, nilulunod sa drum para talikuran ang pagiging bakla, nire-rape ng ama para lamang maramdaman daw na mali ang umibig ang babae sa kapwa babae—kailangan natin ang SOGIE Equality Act.
Habang may mga mamamayang takot matanggal sa trabaho kaya pinipili nilang hindi ihayag ang pagkatao nila at kung sino ang minamahal nila, kailangan natin ang SOGIE Equality Act.
Habang may mga transgender na hindi makaihi sa pampublikong banyo—na isang basic human function na may kinalaman sa kalusugan—dahil sa takot na masita o masaktan, kailangan natin ang SOGIE Equality Act.
Napakarami ko pang gustong sabihing mga insidente ng diskriminasyon, pero mas maganda kung pakinggan na lang muna natin ang sasabihin ng mga mamamayan.
[VIDEO]
Mga kasama, ang puso at sentro po ng panukalang ito ay hindi lamang pagkakapantay-pantay, kundi pagmamahal sa kapwa natin.
Mister/Madam Speaker, mga kasama—noong unang termino ko bilang Kongresista, hanggang ngayon, paulit-ulit ko nang sinasabi—at hindi ako magsasawang sabihin ito—the time for the Anti-Discrimination Law, the time for the SOGIE Equality Act is NOW.
Ipaglaban natin ang pagkakapantay-pantay at pagmamahal sa kapwa. Maraming salamat po!