WebClick Tracer

SORA 2017: May pag-asa ang bukas ng Bangsamoro!

(State of the Region Address delivered by ARMM Governor Mujiv Hataman at the Shariff Kabunsuan Cultural Complex  on 20 November 2017 in Cotabato City)

Speaker Datu Roonie Sinsuat at mga miyembro ng Regional Legislative Assembly, Regional Vice Governor Haroun Al Rashid Lucman Jr.,
Executive Secretary Laisa Masuhud-Alamia and the members of the ARMM Cabinet Ang ating mga Deputy Governors.

Governors, Vice Governors, Civil Society Organizations,
International Organizations,
Mga opisyal at kawani sa unipormadong hanay, Mga kapwa ko manggagawa sa pamahalaan, Mga minamahal kong Kababayan.

Assalamu Alaikum.

Nang humarap ako sa inyo noong 2014, ang buong akala ko, at maging kayo, ay iyon na ang pinakahuli kong State of the Region Address. Inakala natin na mabubuo na ang Bangsamoro Transitional Authority na pansamantalang papalit sa ARMM regional government habang binubuo ang Bangsamoro government.

Subalit, dahil sa isang insidente sa Mamasapano, ang pagbuo sana ng isang matibay na institusyon ay nawala nang parang bula.

20hataman2
ARMM Governor Mujiv Hataman delivers his State of the Region Address at the Shariff Kabunsuan Cultural Complex in the ARMM compound in Cotabato City on 20 November 2017. Screen grab from the ARMM Bureau of Public Information’s video

Ngayon, muli akong humaharap sa inyo, habang tayo ay nasa gitna ng matinding krisis na siyang kinakaharap natin bunga ng paglusob ng pinagsanib na pwersa ng mga teroristang grupo sa ating rehiyon – ang Abu Sayyaf at Maute.

Humaharap man tayo ngayon sa ganitong pagsubok, dala natin ang mga aral na ating natutunan mula sa Mamasapano at iba pang krisis na ating nauna nang napagdaanan, kung kaya’t naging mas mabilis ang ating pagresponde sa sitwasyon sa Marawi.

Agad-agad ay inorganisa natin ang Crisis Management Committee, kasama ang mga empleyado at volunteers na siya namang naging haligi ng ating ARMM Hotline and Emergency Response Center. Noong unang mga araw ng kaguluhan, nakakatanggap tayo ng halos limandaang tawag, bukod pa sa mga text messages, mula sa mga residente ng Marawi at kanilang mga kamag-anakan.

Agad nating pinadala si Regional Vice Governor Haroun Alrashid Lucman Jr. sa Marawi, para sa agarang koordinasyon kasama ang lokal na pamahalaan.

Sa ikatlong araw ay bumaba tayo mismo, at binuo natin ang Provincial Crisis Management Committee kasama ang provincial government ng Lanao del Sur at ang LGU ng Marawi City.

Natapos man ang putukan limang buwan matapos ang unang engkwentro sa Marawi, at nakabalik man sa kanilang mga kabahayan ang ilan sa ating mga kababayan, hindi pa rito natatapos ang ating tungkulin na tulungan ang ating mga kababayan at tugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Dahil dito, sa taong ito, 450 milyong piso na pondo ang inilaan natin para sa Marawi City. Sa susunod na taon ay mayroong namang 930 milyong piso na pondo ang ilalaan ulit natin para sa rehabilitasyon ng lungsod ng Marawi.

Ganito man ang kinakaharap natin ngayon, ako ay umaasa na ang lahat ng ito ay malalagpasan natin dahil ako ay naniniwala sa gitna ng anumang krisis ay may kaakibat na oportunidad at ginhawa.

Ayon sa banal na Qu’ran, Fa inna ma’al ‘usri yusra, ang anumang pagsubok ay laging may kaakibat na ginhawa.

Halimbawa na lamang ang ating karanasan sa Mamasapano.

Masaklap man ang mga pangyayari noon, nagbigay naman ito ng maraming aral sa atin at naging daan upang makabuo tayo ng isang planong nagbigay ng oportunidad sa ating mga kababayan sa Mamasapano at iba pang mga karatig bayan.

Ang planong ito ay ang Humanitarian and Development Action Plan o HDAP.

Sa pamamagitan ng HDAP ay naisakatuparan ang rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga imprastraktura sa labinlimang munisipyo ng Maguindanao. Ito ay pinondohan ng rehiyonal na pamahalaan ng 2.23 bilyong piso noong taong 2016.

Kasabay rito ang pagbibigay ng mga livelihood programs na akma sa pamumuhay ng mga naapektuhan ng kaguluhan, lalo na sa mga residente ng Mamasapano at mga karatig na bayan.

Naging dahilan man para sa iilan ang nangyari sa Mamasapano upang maudlot ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL), nawa’y sa pagkakataong ito magbunga ang pangyayari sa Marawi ng isang realisasyon sa ating mambabatas, upang maging mas mabilis kanilang ang pagpasa ng BBL – ang isa sa mga susi sa pagkakaroon ng kapayapaan at katahimikan sa ating rehiyon at sa buong bansa.

Habang isinasakatuparan ito, patuloy pa rin tayong lumilikha ng pundasyon para sa mga matatag na pamayanan, sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa at proyekto.

Inilunsad natin ang ARMM HELPS noong taong 2013, isang malawakang programa na nakatutok sa mga batayang pangangailangan ng ating mga kababayan katulad ng Health, Education, Livelihood, Peace and Governance and Synergy.

Layon ng ARMM HELPS na bigyan ng kapasidad ang mga barangay upang maitaguyod nila ang isang mapayapa at progresibong komunidad. Mula 2014 hanggang sa kasalukuyan ay apat na raan at tatlong barangay na ang ating natulungan sa pamamagitan ng HELPS. Bawat barangay ay binigyan natin ng sampung milyong piso upang makapagpatayo ng proyektong imprastraktura gaya ng housing, barangay hall, public market, barangay health center, day care center, children’s park at inisyal na puhunan para sa kabuhayan ng ating kababayan.

Sa kabuuan, 4.3 bilyong piso na ang naipamahagi sa pamamagitan ng programang ito.

Isa pang programang pang-komunidad ay ang tinatawag nating Bangsamoro Regional Inclusive Development for Growth and Empowerment o ARMM BRIDGE, na naitatag noong 2015 at naglalayong tulungang maiangat ang mga pinakamahirap na kababayan natin sa bawat komunidad ng rehiyon.

Sa kasalukuyan, nakalunsad ito sa 119 na barangay at may 5,800 na pamilya bilang benepisyaryo na binibigyan natin ng pabahay, pagkain, pailaw at patubig bilang bahagi ng estratehiya natin upang itawid sila mula sa kahirapan.

Dahil sa ating pagsisikap sa sektor ng edukasyon, ayon sa datos ng PSA ay tumaas mula 80.3 percent noong 2010 patungong 88.7 percent noong 2015 ang literacy rate sa ating rehiyon.

Ang ating cohort survival rate ay tumaas din sa elementarya at hayskul, mula 35.83% cohort survival rate sa elementarya noong 2014, naging 64.12% na ito noong 2016. 

Sa hayskul naman, tumaas din ito mula 52.6% noong 2014 patungong 95.38% in 2016.

Ito ay bunga ng ghostbusting kasama ang ating mga kapwa manggagawa mula sa DepEd- ARMM.

Sa kabila nito, nananatili pa ring hamon sa atin ang problema sa kalidad ng edukasyon.

Ayon sa DepEd national, ang ARMM ay nagkamit lang ng 59% sa National Achievement Test o NAT – ito ay malayo pa rin kumpara sa 75% na pamantayan ng DepEd national.

Isa lamang ito sa mga dapat pa nating pagtuunan ng pansin, lalong lalo na ng ating mga kasama sa DepEd.

Samantala sa sektor naman ng kalusugan 232 barangay health stations na ang ating naipatayo sa nakaraang apat na taon, ayon sa datos ng DOH-ARMM. Ibig sabihin nito, mayroon na tayong 683 na barangay health stations sa buong rehiyon, at lahat ng mga ito ay may karampatang birthing facilities.

Dahil sa ating ibayong pagsisikap na mailapit at maitaas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa ating rehiyon, mas mababa na ngayon ang maternal mortality rate dito sa ARMM kumpara sa naitalang maternal mortality rate sa buong bansa, mula 65 per 100,000 live births noong 2012 tungong 53 per 100,000 live births noong 2016.

Ganito rin ang kaso sa ating Infant Mortality Rate na bumaba mula 7.23 per 1,000 live births tungong 5.81 per 1,000 live births, na mas mababa rin sa naitalang numero para sa buong bansa.

Sa sektor naman ng agrikultura, 1,823 units ng farm machineries, equipment at facilities ang atin nang naipamahagi, mula 2012 hanggang 2016, sa 1,662 na samahan at kooperatiba ng mga magsasaka na may tinatayang 58,170 na miyembro mula sa buong rehiyon.

Noong 2016, umabot ng 544,486 metric tons ang rice production volume na naitala sa ating rehiyon.

Sa ilalim naman ng ating corn program ay nakapamhagi tayo ng 558 units ng farm machineries, equipment, at facilities, sa 19,530 na corn farmers. Nasa 699,591 metrics naman ang ating corn production volume.

Patuloy rin tayong nangunguna sa white corn production, habang patuloy din tayong nangunguna sa seaweeds production sa buong bansa.

Sa usaping pangisdaan, kung ang buwanang kita ng mangingisda ay nasa P3,495 lamang noong 2014, ngayong taon ay doble na ito at nasa P7,005.

At ang ating pagsusumikap para iangat ng kabuhayan ng ating mga mangingisda ay abot hanggang sa mga isla ng Tawi-Tawi.

Dahil sa ang ating likas na yaman ay ang pangunahing pinanggagalingan ng ating kabuhayan, patuloy nating ipinapatupad ang total log ban mula pa noong 2012, na siya namang nagresulta sa pagtaas ng forest cover sa buong rehiyon nang 6.8 percent.

Kahanga-hanga rin ang pagbabago at pag-unlad ng Polloc Port nitong nakaraang mga taon.

Noong 2013, P75,194 lamang ang nakolekta ng Bureau of Customs sa nasabing pantalan. Ito ay tumaas at naging P19,221,471 noong taong 2014.

At nitong nagdaang 2016, ang kitang nakolekta ng Bureau of Customs mula sa Polloc Port ay umabot na sa P134,848,573. 

Ibig sabihin lamang nito ay tumaas nang mahigit na 134 milyon ang kitang ating nireremit sa Bureau of Customs mula sa Polloc Port, sa loob lamang ng tatlong taon.

Pagdating naman sa mga investment na pumapasok sa rehiyon, ang kabuuang halaga ng investment mula 2012 hanggang sa kasalukuyan ay umabot na nang 17.783 billion, ayon sa datos ng ating Regional Board of Investors (RBOI).

Ayon naman sa report ng DPWH-ARMM, isang libo at siyam na raang proyekto na ang naitala mula 2012 hanggang 2017. Kasama rito ang 1,062 road projects na nagkakahalaga nang mahigit sa 26 bilyong piso.

Bukod pa rito, 363 units ng water systems na nagkakahalaga nang mahigit dalawang bilyong piso ang kasalukuyan nang naikabit at ikinakabit sa iba’t ibang mga barangay sa buong rehiyon.

Nakumpleto na rin natin ang 35 units ng flood control structures at 77 drainage facilities na nagkakahalaga nang mahigit kumulang isang bilyong piso. Meron din tayong 151 na mga tulay na nagdudugtong sa iba’t ibang mga barangay at munisipalidad, na nagkakahalaga nang dalawang bilyon at tatlong daang milyong piso.

Pero sa huli’t huli, ang sukatan sa tagumpay ng mga proyektong ito ay wala sa dami o sa ilang bilyong ibinuhos natin sa mga ito, kundi nasa pagbabagong hatid nito sa buhay ng ating mga kababayan.

Ang proyektong tampok sa video, kasama ang daan-daan pang natapos na mga proyekto, ay makikita sa ating eARMM, isang online na programa na bahagi ng ating transparency program upang maiwasan ang korapsyon at matiyak ang kalidad ng mga proyekto.

Ang lahat ng ito ay bunga ng mga reporma at maayos na pamamahala sa rehiyon. Sa katunayan, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ARMM, ay ngayon lang ito nagawaran ng ISO certification.

Kasunod nito, noong 2015, pumasa rin tayo sa itinakdang Good Governance Conditions ng national government, na siya ring kauna-unahan rin sa kasaysayan ng ARMM.

Ngunit ang anumang reporma o pagbabago sa ating pamamahala sa regional government ay magiging ganap na epektibo lamang sa ating pagseserbisyo kung katuwang natin sa pagbabago ang ating mga lokal na pamahalaan.

Kaya naman tinitiyak natin sa pamamagitan ng pagsusumikap ng DILG-ARMM na ang ating mga LGUs ay hindi napag-iiwanan ng mga LGUs ng ibang rehiyon.

Kung noong 2015 ay mayroon lamang labing anim na LGU sa buong ARMM ang pumasa sa Good Financial Housekeeping ngayon ay nasa 63 LGUs na ito.

Mula naman sa wala noon lamang 2015 ay nagkaroon tayo ng anim na recipient ng Seal of Good Local Governance noong 2016, at ngayong taon naman ay 22 LGUs na ang ginawaran ng pagkilalang ito. Tayo ay pumapangalawa sa Mindanao cluster at pang syam sa buong bansa.

Nais kong kilalanin natin sila, at bigyan natin ng masigabong palakpakan ang ating 22 SGLG awardees.

Sa gitna ng mga pagbabago at ating mga tagumpay, kasabay naman ang mga hamon na dapat din nating harapin. Mahalagang pagtuunan natin ng pansin ang banta ng terorismo dito sa ating rehiyon; ang pangyayari sa Marawi ay sapat na at tama na!

Mahalaga na bumalangkas tayo ng mga programa at polisiya na tutugon sa suliraning ito.

Kung kaya naman ay napapanahon lamang na idinaos natin ang Ulama Summit ngayong taon kung saan napagkasunduan ng ating ulama ang isang fatwa laban sa terorismo, kasabay na rin ang pagbuo ng isang mekanismo na tutugon sa bagong hamon na ito na siya namang pinapangunahan ng Regional Darul Ifta.

Bukod pa rito, binalangkas din ng Bureau of Madaris ang Unified Standard Curriculum and Textbooks for the Traditional Weekend Madrasah, na siyang magbibigay sa atin ng higit pang mga pagkakataon upang maipahatid sa ating mga kabataan ang tamang impormasyon at edukasyon tungkol sa Islam.

Higit sa lahat, mahalaga ang ating pagkakaisa sa pagharap sa anumang banta laban sa ating seguridad at pag unlad.

Kung sila na nasa mali ay may lakas ng loob at handang mamatay sa kanilang maling paniniwala, bakit hindi natin kakayaning magkaisa at magsakripisyo dahil sa tama nating paniniwala?

Ang kahirapan ay isa rin sa mga hamon na matagal na nating kinakaharap.

Base sa opisyal na datos mula sa Philippine Statistics Authority para sa taong 2012 at 2015, bumaba ang poverty incidence ng mga pamilya sa ating rehiyon mula 48.7 per cent noong 2012 patungong 48.2 per cent noong 2015.

Bumaba rin ang antas ng kahirapan sa mga probinsya ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao at Tawi-tawi, habang tumaas naman ang poverty incidence sa probinsya ng Sulu dulot ng kaguluhang dala ng terorismo. 

Pinakamalaki ang pagbaba ng poverty incidence sa probinsya ng Tawi-tawi, na bumaba mula 21.9 percent noong 2012 papuntang 10.6 percent noong 2015.

Ngunit bumaba man ang poverty incidence sa rehiyon hindi ito sapat upang tumigil tayo sa ating pagkilos. Sama-sama nating iaangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan, kasabay ng ating pag-unlad.

Ito mismo ang dahilan kung bakit natin binuo ang Regional Development Plan, sa paglalayong gabayan tayo at ang mga susunod pang administrasyon, upang ipagpatuloy ang ating nasimulang pag unlad.

Kalakip ng ating Regional Development Plan ang pagtataguyod ng mga development financial institutions, gaya na lamang ng ARMM Regional Development Corporation at ARMM Development Bank, na maaaring makapaglaan ng kapital para sa mga negosyong nagsisimula pa lamang at makakatulong din sa pagpapalaki ng pondo ng regional government.

Ngunit marami pa tayong mga dapat gawin, at nakikita nating malaki ang papel na ginampanan at patuloy na gagampanan ng ating Regional Legislative Assembly bilang mambabatas ng ating rehiyon.

Dahil dito nais kong magpasalamat sa ating mga kagalang galang na assemblymen at assemblywomen sa pagsuporta sa ating mga policy requirements katulad na lamang ng pagpapasa ng batas para sa Darul Ifta, Reproductive Health, Public Works Act, Regional Human Rights Commission at marami pang iba.

Inaasahan namin ang patuloy ninyong pagsuporta sa pagpasa at ng kinakailangan pang mga batas upang mapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga mamamayan; halimbara na lamang ay ang ating Basic Education Act o MMA Act 279 nang sa gayon ay mas mapabuti at maiangat natin ang kalidad ng edukasyon sa ating rehiyon.

Mahalaga rin na maprotektahan ang interes ng ating mga kababayang bakwit sa pamamagitan ng pagpapasa ng Rights of Internally Displaced Persons Act.

Page7 of9

Bukod pa rito, ang pagpapasa ng ating sariling Environmental Code ay mahalaga rin upang mas lalo pang mapangalagaan ang ating mga likas na yaman.

At panghuli, sana ay mabuo natin ang ARMM Government Corporation sa pamamagitan ng isang batas upang lalo pa nating mapalago ang ating ekonomiya.

Mahaba-haba na rin ang ating nilakbay, at marami na rin tayong kwentong nabuo.

At sa bawat paglalakbay at bawat kwento, tayo ay sama-samang kumikilos at nagpapakilos tungo sa mga susunod na yugto. Sa ating pag-usad at pag-unlad ay marami tayong nakasama na marapat lang nating pasalamatan para sa kanilang patuloy na pakikiisa sa ating pakikibaka.

Nagpapasalamat tayo sa ating national government, para sa suporta hindi lamang sa panahon ng krisis o sakuna, kundi sa pagsuporta sa ating patuloy na pakikibaka para sa katuparan ng ating karapatan sa sariling pagpapasya.

Nagpapasalamat din tayo sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, sa Western Mindanao Command, sa 1st Infantry (Tabak) Division, at sa 6th Infantry (Kampilan) Division, sa ating Pambansang Pulisya higit lalo na sa ating PNP ARMM, at sa Bureau of Fire Protection, para sa kanilang katapangan sa gitna ng kaguluhan sa Marawi, at sa kanilang walang alinlangang paglilingkod sa bayan.

Salamat din sa ating Mindanao Humanitarian Team na binubuo ng lahat ng ahensya ng United Nations na may presensya hindi lamang sa ARMM kundi sa buong Mindanao, para sa patuloy na suporta, bukod pa sa palagian at maagap na tulong sa pinakanangangailangan.

Nagpapasalamat din tayo sa Ayala Foundation Inc., sa Zuellig Family Foundation at sa Eisenhower Fellows Association of the Philippines.

Maraming salamat din sa iba’t ibang mga religious groups dito sa rehiyon at sa ating Ulama na siyang gabay natin hindi lamang sa ating pang-araw araw na buhay, kundi sa mga oras na kailangan natin ng kaliwanagan at kapanatagan.

Sa ating mga tradisyunal na lider at mga sultan, maraming salamat para sa inyong patuloy na pamumuno nang may pag-unawa sa ating kasaysayan at pagkilala sa ating minimithing kinabukasan.

Sa ating mga kapwa lingkod bayan mula sa iba’t ibang mga rehiyon at probinsya na nagpaabot ng tulong sa oras ng ating pinakamaigting na pangangailangan, at patuloy na pagpapaabot ng kanilang suporta sa panahon ng ating pagbangon, maraming salamat.

Nais din nating ipaabot ang ating taos pusong pasasalamat sa ating mga local government units, na mismong bumubuo sa pundasyon ng ating pamahalaan, at ating katuwang sa pagtataguyod ng isang progresibong ARMM.

At higit sa lahat, maraming maraming salamat po sa ating mga kababayan, lalong lalo na sa aking mga kapwa Bangsamoro.

Umabot tayo sa ganito dahil sa inyo, mahigpit ang paniniwala ko sa kakayanan ng Bangsamoro. I-ukit ninyo ito sa inyong mga puso, buo ang loob ko dahil, I believe in You! Kaya kumpyansa ako na nasa tamang landas tayo at may pag-asa ang bukas ng Bangsamoro!

 

Search MindaNews

Share this MindaNews story
Send us Feedback