Lungsod ng Cotabato- Nilahukan ng mga sektoral na grupo sa lungsod ang “Poetry Concert” ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP-Cotabato City Chapter)bilang paggunita sa ika-9 na buwan ng Ampatuan Massacre.
Ang CEGP ay ang pinakamalawak na organisasyon ng mga student publications at mamamahayag pangkampus sa buong bansa.
Sa tema nitong, “Stop killing journalists; Justice to all the slain journalists; Advance and uphold press freedom” madamdaming ipinahayag ng CEGP ang kanilang panawagan sa pamamagitan ng pagbasa ng tula, stage play at mensahe ng pakikiisa sa mga pamilya at kaibigan ng mga biktima ng masaker.
Ayon kay Charity May Guttierez, Chairman ng CEGP Cotabato, highlight ng poetry concert ang mahigpit na panawagan ng campus press para sa hustisya ng Ampatuan massacre kung saan 32 na media workers ang kabilang sa 58 na napaslang sa pinakamadugong politikal na masaker sa kasaysayan ng Pilipinas matapos ang martial law. Nalalapit na ang isang taong anibersaryo ng massacre subalit may kabagalan pa rin ang pag-usad ng kaso.
Dagdag pa ni Guttierez na patuloy silang susubaybay sa pagkamit ng hustisya sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag at patuloy nilang isusulong ito lalo’t higit sa loob ng paaralan. Hinamon din ng grupo si Pnoy na wakasan ang culture of impunity at panagutin ang mga perpetrators at si Arroyo bilang kabahagi ng pagkamit sa tunay na hustisya.
“Ang pangunguna ng Pilipinas sa listahan ng mga pinaka-delikadong bansa para sa mga mamamahayag ay isang konkretong manipestasyon na matindi ang paglabag at pagsupil sa malayang pamamahayag sa ating bansa. Ito’y kabilang sa mga hamon sa bagong administrasyon sa pagkamit ng tunay na demokrasya sa bansa.” pagtatapos ni Guttierez.
Kabilang sa mga naging bahagi ng konsyerto ay mga student writers, human rights workers, church leaders, political activists, fraternities, mga kaibigan at pamilya ng mga biktima kabilang si Monette Salaysay, asawa ni Napoleon Salaysay ng Mindanao Gazette- isa sa mga napaslang.
Isang candlelighting ang naging pagtatapos ng grupo simbolo ng patuloy na pagsubaybay at liwanag para sa pagkamit ng katarungan para sa mga biktima ng masaker.