
Mali ang mga balitang kumakalat sa Facebook na ang Tampakan Copper-Gold Project ay proyekto ng Malacañang.
Anim na Facebook pages ang nagbalita ng parehong artikulong may pamagat na “Komunidad titiyaking ligtas ang Tampakan Copper-Gold Project ng Malacañang at SMI” noong Pebrero 18. Bawat isa sa kanila ay may mga libo-libong tagasunod. (underscored by MindaNews)
Ito ang ibinalita ng Mindanao Voices, Batang GenSan, Radyo Bandera MyFm Midsayap, Arangkada-Balita, 89.7 Dear FM – Kabacan, at Nsj News Agency Services:
“Muling tiniyak ng tribong Blaan at ng mga lokal na kinauukulan sa apat na mga bayan na sakop ng Tampakan Copper-Gold Project ng Malacañang na matagal ng nakalatag ang kanilang environment-protection programs bago pa man magsimula ang proyekto sa susunod na taon.”
Ang mga munisipyong sakop ng Tampakan project ay ang Tampakan sa South Cotabato (kung saan ang bulto ng minerales ay matatagpuan), Columbio sa Sultan Kudarat, Kiblawan sa Davao del Sur at Malungon sa Sarangani.
Hindi may-ari o “shareholder” ang Malacañang bagkus ang SMI ang nagpapatakbo ng Tampakan project, ang pinakamalaking hindi pa nahuhukay na reserba ng copper o tanso at gold o ginto sa Timog-Silangang Asya.
Ang SMI ay tinatawag na contraktor o developer ng Tampakan project sa pamamagitan ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) No. 02-95-XI na ipinagkaloob ng gobyerno ng Pilipinas.
Inaprubahan ng Department of Environment and Natural Resources ang paglipat ng FTAA 02-95-XI sa SMI mula sa Western Mining Corp. – Philippines noong 18 Desyembre 2001.
Subalit kinuwestyon ng Lepanto Consolidated Mining ang desisyon ng DENR sa Opisina ng Pangulo (Office of the President), na sumang-ayon naman sa desisyon ng DENR.
Inakyat ng Lepanto Mining ang petisyon nito sa Court of Appeals (CA), pero binasura ito ng huli noong November 21, 2003. Umapela din ang Lepanto Mining sa Kataas-taasang Hukuman (Supreme Court) subalit pinanigan nito ang desisyon ng CA.
Batay sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 7942 o ang Philippine Mining Act, ang FTAA ay kontrata kabilang ang pinansyal o technical assistance para sa mga dambuhalang proyekto ng minahan.
[“Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA)” means a contract involving financial or technical assistance for large scale exploration, development and utilization of mineral resources.]
Ang ibig sabihin naman ng kontraktor ay kwalipikadong tao o grupo na partido sa isang kasunduang mineral o FTAA.
[“Contractor” means a qualified person acting alone or in consortium who is a party to a mineral agreement or FTAA.]
Iginiit ng SMI sa website nito na ito ay kontraktor ng gobyerno ng Pilipinas sa bisa ng FTAA, at hindi nito nabanggit na kasama ang Malacañang sa pagpapatakbo ng Tampakan project, taliwas sa ipinalabas na balita ng mga nasabing Facebook pages.
Ang mga yamang minerales sa bansa ay pag-aari ng estado o Philippine government, na pantay-pantay na binubuo ng ehekutibo, lehislatura, at hudikatura.
Ang ehekutibo ay pinamumunuan ng Pangulo o Presidente, na opisyal na nakatira sa Malacañang.
Ayon sa Artikulo XII, Seksyon 2 ng 1987 Constitution, ang estado ay may buong kapangyarihang kontrolin at bantayan ang explorasyon, pagdebelop at paggamit ng mga natural na yaman sa bansa.
[Article XII, Section 2 of the Constitution states: All lands of the public domain, waters, minerals, coal, petroleum, and other mineral oils, all forces of potential energy, fisheries, forests or timber, wildlife, flora and fauna, and other natural resources are owned by the State.
The exploration, development, and utilization of natural resources shall be under the full control and supervision of the State.]
Ang MindaNews ay bukas sa mga mungkahi na makakatulong sa pag fact-check ng mga impormasyong naisapubliko.
Kami ay kabilang sa International Fact-Checking Network, isang internasyunal na samahan ng fact-checkers. (Bong S. Sarmiento / MindaNews)