(Speech of ARMM Gov. Mujiv Hataman during the opening program of the year-long 29th anniversary celebration of the Autonomous Region in Muslim Mindanao, 26 March 2018)
Noong Nobyembre 1989, matapos ang pagsang-ayon ng mga mamamayan gawa ng isang plebisito, itinatag ang Autonomous Region in Muslim Mindanao. Ang layunin nito: kilalanin ang ating kasaysayan, bigyang-diwa ang ating mga pangarap at bigyang-katawan ang kakayahan nating panghawakan ang ating sariling kapalaran.
Ngayon, 29 na taon matapos itatag ang ARMM, tanungin natin ang ating mga sarili: Nasaan na tayo? Naabot ba ng ARMM nang buong-buo ang mga layunin nito?
May mga nagsasabi: Failed experiment daw ang ARMM. May punto sila. Hindi nito nabuwag ang lahat ng mga istrukturang panlipunan na umiipit sa ating mga kababayan. May mga pagkakataon ding ginamit ng mga makapangyarihan ang mismong istrukturang ito para sa pansariling interes—para magpayaman at magpakasasa habang napakaraming mga nagugutom, o nauuhaw, o dinaanan ng sakuna, o may kapansanan, o di makapag-aral, o napipilitang mamuhay sa evacuation center.
Ako mismo, sa nakaraang mga taon ng aking panunungkulan bilang inyong Regional Governor, ay saksi sa mga pagkukulang ng sistema: ang budget na pahirapan bago makuha; ang matinding pakikiusap para lang maipatayo ang kailangan nating paaralan, o ospital, o tulay, o para maipatupad ang mga proyektong nararapat lang namang ipatupad; ang halos pagmamakaawa para makuha ang makatarungang pondo at serbisyo.
Marami ngang pagkukulang ang sistema ng ARMM. Maraming dapat isaayos, palitan, o palakasin. Pero sa isang aspeto, masasabi kong naging mahalagang unang hakbang ang ARMM. Kung dati, hiwa-hiwalay tayo — kung dati, tayo ay Yakan, o Tausug, o Maranaw, o anupamang ibang grupo; kung dati, tayo ay taga-Sulu, at Tawi-Tawi, at Basilan, at Lanao del Sur, at Maguindanao lamang, dahil sa ARMM, naging iisa tayo.
Kaya nga mahalaga para sa akin ang pagpasa ng isang Bangsamoro Basic Law. Bukod pa sa pagsasaayos ng sistema upang magkaroon tayo ng tunay na kakayahang magdesisyon para sa ating sarili, malinaw na level up ang BBL sa ARMM, lalo na sa pagbubuo ng ating identidad. Kung sa ARMM, “Muslim Mindanao” lang tayo—ibig sabihin, pinapangalanan ng iba at ng taga-labas—sa BBL, tayo mismo ang nagdidiin ng sarili nating pangalan. Bangsamoro. Hindi na lamang tayo “Muslim Mindanao,” kundi Bangsamoro. Moro tayo: mulat sa magkakaugnay nating kasaysayan; patuloy na kumikilala sa magkakarugtong nating kinabukasan.
Moro tayo hindi lamang dahil sa ating relihiyon. Moro rin tayo dahil kung lilingon tayo sa nakaraan, makikita natin na iisa ang ating pinanggalingan. Moro tayo dahil kapag tiningnan ang likos ng mga Maguindanaon, ang laminosa ng mga Sama at Tausug, ang napakarami at iba’t ibang hibla ng ating kasaysayan, makikita natin na magkakahabi ang ating diwa. Moro tayo dahil pare-pareho ang mahalaga sa atin: komunidad, pamilya, dangal, tapang, makatarungang pag-unlad, malasakit sa kapwa, pagkilala sa Maykapal bilang bukal ng lahat ng biyaya. Moro tayo dahil iisa ang ating dugo.
Moro tayo dahil sa lahat ng ating mga pinagdaanang pang-aapi at pagdurusa. Moro tayo dahil kahit napakalakas ng kalaban, kahit halos tiyak ang kamatayan, hindi tayo umatras. Moro tayo dahil sa ating mga kuwento at katotohanan.
Ang malungkot nga, may mga gumagalaw para nakawin sa atin ang mga kuwentong ito. Siguro, dahil kapag nalimot ang ating mga kuwento, mas maisusulong nila ang sarili nilang interes.
Mas gusto ng iba na maalala lang ang mga kuwento kung saan tayo ang kontrabida, ang pirata, ang mga barbaro na laging naghahanap ng gulo. Gusto nilang burahin ang ating kasaysayan para tayo ay magkawatak-watak, at magamit nila ang pagkakawatak-watak na ito para manatili tayo sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
Halimbawa nga lang—noong nakaraang linggo ang ika-50 anibersaryo ng Jabidah Massacre. Totoo ito. Nangyari ito. Inabuso ang ilang Moro, pinilit gumawa ng masama laban sa mga taga-Sabah, at nang tumanggi, pinagpapatay sila. Pero may nagbalita nga sa akin: Mayroon pang nagpapaikot ng kuwento na hindi raw nangyari ang Jabidah.
Hindi ito tama.
Siguro, marami sa mga pinagdadaanan natin, maisisisi sa mga tiwaling pinuno o kaya sa sirang sistema. Pero ang paglalaho ng ating mga kuwento—sa tingin ko, walang ibang maaasahan dito kundi tayo din.
Ilan sa atin ang umalala sa Jabidah Massacre? Ilan ang umalala sa Bud Dajo noong panahon ng mga Amerikano, o sa ginawang pagsira sa Sulu noong panahon ng Diktaturyang Marcos? Nasa atin ito. Tayo ang dapat magpatuloy ng pag-alala. Wala tayong ibang aasahan.
Kaya nga ang panawagan ko, ngayong ika-29 anibersaryo ng ARMM, kung saan unang kinilala ang ating identidad—buhayin natin ang kuwento. Isulong natin ang kasaysayan—ang totoong kasaysayan, na dinaanan at patuloy nating pinagdaraanan. Labanan ang paglimot, ang pagbura, ang pagbaligtad ng naratibo, ang pagkalat ng kasinungalingan sa anumang anyo. Ihayag sa buong Pilipinas, sa buong mundo, ang kuwento ng Moro ayon sa mga Moro.
Maaaring ito na ang huling pagkakataon na ako ang mangunguna sa anniversary celebrations ng ARMM. Kaya nga minabuti natin na ngayon na ito gawin, habang nagbubukas ang mga exhibit na ito—baka sa Nobyembre, kung papalaring ipasa ang BBL, wala na ako rito. Nagpapasalamat ako sa lahat sa inyo—sa staff na tumulong, sa mga kasama sa pulitika, sa mga lider at simpleng mamamayan mula sa komunidad na nakiisa upang ang tinatawag dating “Moro problem” ay mapalitan na ng “Moro vision,” na nakikita na natin ang inisyal na bunga ngayon.
Nagpapasalamat ako sa mga kapwa ko Moro sa buong Bangsamoro.
Siguro, sa mga susunod na panahon, babalikan natin ang araw na ito—maaaring ang huling pagkakataon na ipinagdiwang ang anibersaryo ng ARMM—at makikita natin ito hindi bilang pagwawakas ng aklat, kundi paglipat lamang sa susunod at mas magandang kabanata. Tuloy ang kuwento ng Moro. Tara na’t isulat natin ito.