(Privilege Speech ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate sa Kongreso, Agosto 2, 2016)
Ginoong Speaker:
Noong ika-dalawampu’t anim ng Hulyo, inilabas ng Korte Suprema ang naging desisyon nito sa Motion for Reconsideration na inihain ng Bayan Muna at iba pang makabayang organisasyon at indibidwal para ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Sa botong 10-4-1, tila naipako na na ang EDCA — ang pinakamasahol na di pantay na kasunduang pinasok ng nakaraang administrasyon — ay mananatili at magiging dagdag na pundasyon sa tuloy-tuloy na panghihimasok ng gobyernong Amerika sa ating bansa.
Naisantabi man ng naging desisyon ng Korte Suprema ang kataksilan ng dating Presidente Benigno Simeon Aquino III sa Konstitusyon ng Pilipinas, hindi nito maitago sa mamamayan ang katotohanan na sa loob ng dalawang taong, ay ginawang lihim ang negosasyon ng EDCA at ito ay nilagdaan noong 2014 nang dumalaw sa bansa si Obama.
Maliban sa ginawang lihim ang usapan o negosasyon sa EDCA, inalisan din ng poder ang Senado at ang mamamayan na mabusisisi ang isang usaping napakahalaga–ang panunumbalik ng mga base militar ng Estados Unidos.
Walang hangganang saklaw at akses ng EDCA
Una sa lahat, ang EDCA ay malubhang lalabag sa soberanya at integridad ng teritoryo ng ating bansa. Sa ilalalim ng EDCA, ang buong Pilipinas ay magiging pinakamalaking base militar ng Amerika sa mundo.
Mapanlinlang ang EDCA. Sa halip na tawaging “Military Base” ay tinawag na “Agreed Locations” ang mga pasilidad na itatayo at ang mga pupuwestuhang mga lugar ng Estados Unidos dito sa ating bansa.
Sa unang basa, tila hindi magkapareho ang tinatawag na Agreed Locations sa EDCA at “military bases” sa nabasurang 1991 Military Bases Agreement dahil ang kapangyarihan umano na magtukoy kung saang lugar ang sasakupin at gagamitin ng Estados Unidos ay nasa kamay ng Pilipinas.
Ngunit, wala sa nilalaman ng EDCA ang paglilimita kung saan lamang maaaring magtayo ng base ang mga Kano. Malala pa rito, unlimited ang bilang ng mga lokasyon, ang laki ng sasakuping lugar, ang bilang ng tropang maaring pumasok, at kung ano ang maaaring itayo at ipasok ng Estados Unidos sa ating teritoryo.
Bukod pa rito, laman din ng EDCA ay samu’t saring mga probisyon para mas lalong humigpit ang pagsakal nito sa ating bayan.
Mula sa pahintulot sa paggamit ng mga kalsada, paliparan, at daungan, inoobliga pa ang Pilipinas na tayo mismo ang magpapadali ng kanilang paggamit ng mga imprastrakturang ito, pampubliko man o pribado.
Samakatuwid, walang habas din na binubukas ang buong Pilipinas bilang malawak na teritoryong maaring gamitin ng Amerika sang-ayon sa kanilang kagustuhan.
Panunumbalik ng base militar
Ang nakaambang panunumbalik ng mga base militar ng Amerika sa ating bansa ay parang isang nanunumbalik din na pambansang bangungot. Tila nabawi sa atin ang binunga ng pakikibaka ng mamamayan na tuluyang nagpalayas sa mga base militar ng Kano noong 1991. Ito na marahil ang pinakamasahol na pagkatalo ng mamamayan sa naging desisyong ito.
Ayon sa EDCA, nabibigyan ng kapangyarihan ang tropang militar ng Amerika na permanenteng manatili sa mga Agreed Locations sa batayang rotational. Walang binanggit ang EDCA na paglilinaw sa rotational presence, ngunit makikita sa ilalim ng Rotational Deployment ng Visiting Forces Agreement na ang pagpapalit lamang ng indibidwal na mga US personnel ang rotasyong ito, habang nanatili ang permanenteng presensya ng tropang militar sa bansa.
Halimbawa, sa Mindanao pa lamang, 600 US Special Forces ang may permanenteng rotasyunal na namamalagi simula pa noong 2002. Dagdag pa rito ang mga Balikatan Exercises at at iba pang joint military operations ng US at Pilipinas sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Malala pa, gagawin pa tayong malaking imbakan ng Amerika ng kanilang mga kagamitang pandigma — maging armas nukleyar – at gawing lunsaran (launch pads) ng kanilang giyerang agresyon sa Asya-Pasipiko at buong daigdig.
Libreng pagsuko ng soberanya
Sa kasaysayan ng mga hindi pantay at mapang-alipin na kasunduang pinasok ng Pilipinas, lalo na sa usapin ng ugnayang panlabas, ang EDCA na yata ang pinakamasahol. Isang napakalaking kabalintunaan na, sa kabila ng walang habas na pagbubuyangyang ng Pilipinas sa kanyang teritoryo at rekurso, wala ni isang kusing na ibabayad sa renta o buwis ang Amerika. Sa katunayan, ang mga gastusin dapat na sinisingil sa Amerika ay papasanin pa ng mamamayang Pilipino.
Unlimited na, libre pa. Libre at walang pakundangang isinusuko ang ating soberanya sa EDCA.
Walang pakinabang ang Pilipinas sa Edca
Sa kabila ng ating ibinigay, isinuko, at ibinuyangyang, isang malaking delusyon ang maniwala na isasangkalan ng Amerika ang kanilang tropa at kanilang interes para tayo ay ipagtanggol laban sa pananakop at panghihimasok.
Halimbawa na lamang sa hidwaan natin at ng Tsina sa mga katubigang kanilang inaagaw sa Pilipinas. Inihayag ng Presidente ng US na si Barack Obama na wala silang balak ipahamak ang “enormous trade and enormous business” sa pagitan nila at ng Tsina.
Kaya naman, hanggang sa kasalukuyan, hindi kumikibo ang ating huwad na alyado sa ginagawang reklamasyon, pagbabakod, pagpasok ng mga barko at eroplanong pandigma, pagbabawal na pumalaot ng mga namamalakaya sa mga katubigan ng Pilipinas, at iba pang pang-aalipusta ng Tsina sa ating teritoryo at soberanya. Ni hindi man lang gumalaw o nagbuhat ng daliri ang Amerika para hadlangan at biguin ang pananakop na ito ng Tsina, gaya halimbawa ng nangyari sa Scarborough shoal.
Maling mali na iasa sa dayuhang kapangyarihan ang pagtatanggol ng ating kasarinlan, teritoryo at EEZ.
Tanga ang maniniwala sa boladas ng Amerika na gegerahin nito ang Tsina dahil sa Pilipinas. Uulitin po natin, hindi lang pinakamalaking trading partner ng Amerika ang Tsina, ito rin ang pinagkautangan nito nga malaki na tinatayang aabot na sa $1.243 T nitong nakaraang Abril.
Ang totoo, ang EDCA ay kasunduan ng amo at ng kanyang tuta, at hindi ng dalawang magkapantay na bansa.
Hamon sa Administrasyong Duterte
Tulad ng ating kolektibong pagkapoot sa tahasang pangyuyurak ng Tsina sa ating teritoryal na integridad at pang-aangkin sa ating mga katubigan, ganitong galit din ang dapat nating maramdaman sa panghihimasok ng Amerika sa ating bansa. Habang tayo ay nagagalak sa pagkapanalo ng Pilipinas laban sa Tsina sa Permanent Court of Arbitration, tayo ay may malaking hamon na igiit at depensahan muli ang ating soberanya sa pag-iral ng EDCA.
Kaya naman, sa kabila ng pagkabigo na mapawalambisa ang EDCA at panagutin ang mga sangkot nito sa Korte Suprema, ang Bayan Muna at iba pang makabayang organisasyon at mamamayan ay hindi natitinag sa aming posisyon na tuloy-tuloy na ikampanya ang pagbaklas ng kasunduang ito. Ang EDCA ay tahasang pagyurak sa ating pambansang soberanya at maglalagay ng sambayanang Pilipino sa kapahamakan, kaya nararapat itong ibasura.
Kaya naman, sa pagpasok ng bagong administrasyon ni Pangulong Digong Duterte — na una nang nagsabi na kikilalanin at ipapatupad lamang niya ang mga tratadong sang-ayon sa kapakanan ng mamamayan –isang malaking hamon ang kagyat na pagbasura sa EDCA at iba pang mga di-pantay na kasunduan.
Nasa isang pambihirang pagkakataon ngayon ang bagong Pamahalaang Duterte na kumalas sa mapang-aliping relasyong panlabas na tinahak ng mga nakaraang administrasyon.
Nasa isang pambihirang pagkakataon ang Pamahalaang Duterte na magbalangkas at lumikha ng patakarang panlabas na ang pangunahing isinasaalang-alang ay ang kapakanan ng bansa at ng mamamayang Pilipino.
Nasa isang mainam na posisyon ngayon si Pangulong Digong Duterte na lumikha ng malaya, nagsasarili, pantay, at may mutual na kapakinabangan sa bawat panig; hindi ang maging kasangkapan at biktima ng agawan ng teritoryo at dominasyon ng dalawang nagbabanggaang malalaking bansa.
Bilang pagtatapos, napakainam ng mga linyang ito mula sa pelikulang Heneral Luna sa ating haharapin na hamon dahil sa EDCA:
“Alam ng mga Amerikano kung bakit natin ipinaglalaban ang ating kasarinlan dahil buong tapang at buong bangis rin nilang ipinaglaban ang sa kanila.
Iba ba tayo sa kanila? Wala ba tayong karapatang mabuhay nang malaya? Isang malaking karangalan ang ipaglaban ang ating Inang Bayan, huwag tayong magdadalawang isip. Adelante, compatriotas. Ang magtagumpay o mamatay.”