WebClick Tracer

CRUCIBLE: Sagasa sa Gaza

mindaviews crucible

QUEZON CITY (MindaNews / 13 February)—Una sa lahat, maraming salamat sa Philippine Initiative on Critical and Global Issues sa pag-organisa nitong talakayang “Sagasa sa Gaza: Paano Sasagip ang Sangkatauhan?”

Sagasa

Angkop ang “homonym” o ang paggamit ng magkatunog na salita o mga salita na may ibang kahulugan pero nagtutukoy sa isang pangyayari katulad ng giyera ngayon sa Gaza. Una, naghuhudyat ito nang pagulat—Sagasa sa Gaza! Pangalawa, ang salitang “sagasa” ay nagpapahiwatig nang malakas na pagpapatakbo ng sasakyan at pagragasa sa lahat ng madaanan nito nang walang pagkilala sa batas trapiko o batas lansangan.

At ang panawagan sa tema ng talakayang ito na idinaan sa tanong—Paano Sasagip ang sangkatauhan?—ay nangangahulugan na ang nangyayari ngayon sa Gaza ay hindi na lamang labanang Palestine at Israel. Usapin ito ng Sangkatauhan kung paano sila kikilos para sa Gaza o, sa kabaligtarang tanong, paano mismo sasagipin ang Sangkatauhan kung papayagan ba nitong mamayagpag ang eksepsyonalismo at pagmamalabis ng Israel sa kanyang kasalukuyang pagsagasa sa Gaza at sa lahat ng okupadong teritoryo ng Palestine.

Gusto ko hatiin ang aking pagtalakay sa dalawang parte. Sesentro lang muna tayo ngayon sa unang tema, “Sagasa sa Gaza.” Ipagpa-ibang araw na natin ang pangalawang tema, “Paano sasagip ang Sangkatauhan sa Gaza?”

Hindi na bago

Hindi na bago ang pagsagasa ng Israel Defense Forces sa Gaza. Tandang-tanda ko ang giyera noong 2008 sa Gaza kung saan nagpaporum ang UP Institute of Islamic Studies tungkol sa giyerang iyon. Ito ang sinulat ko at binasa, “War in Gaza, Israel and Obama:”

“For lack of better analogy, Israel’s war in Gaza is a brute force unleashed by armed-to-the-teeth like Robocops against helpless inmates who are simply armed with makeshift tin can that produced fireworks (read: terrorism by Israel) who have nowhere to run to as they live in a prison house that is fully sealed, with no people outside coming to their rescue. It’s the reason why many commentators referred to the war in Gaza as massacre, carnage, genocide, ethnic cleansing, and many more.”

Para lang mabalanse ang hindi namang balanseng digmaan o “asymmetric war” ng Hamas at Israel, idinagdag ko itong punto:

“Certainly, the Hamas especially as it fired Qassam rockets to Jewish settlements is also to blame in the war in Gaza. The violence and other atrocities it committed against Israeli settlers have to be condemned, too, by international community. Although one thing is clear: the Hamas, like other resistance movements in the Occupied Territory, is a creature of Israel’s illegal occupation of Palestine.”

Ang giyerang iyon ng “2008 War in Gaza” na itinawag ding “Operation Cast Lead” ay sinundan ng “Gaza Massacre;” kasunod ang “Battle of Al-Furqan,” at ang “2012 Israeli Operation in the Gaza Strip” na tinagurian ding “Operation Pillar of Defense.” Sumunod dito ang “2014 Gaza War” o “Operation Protective Edge;” at ang giyera ngayon ng Israel at Hamas bunsod ng pag-atake ng huli noong ikapito ng Oktubre 2023.

Samakatuwid, hindi nag-umpisa ang kasalukuyang giyera sa Gaza noong ikapito ng Oktubre. At lalong hindi nag-umpisa kamakailan ang terorismo, pagmamalabis at karahasan ng Israel sa buong Palestine. Nag-umpisa ito pitumpu’t limang taon na ang nakararaan sa iba’t-ibang yugto at panahon nang halos hindi na mabilang dami ng pagpatay, pagpalikas, pagmasaker, panggigipit, pagkulong, at pagkitil ng mga batayang karapatan ng mga Palestino.

Bakit nalusutan ang IDF?

Marami ang nagulat kung bakit nagawa ng Hamas ang pag-atakeng iyon, hindi lang sa dami ng kanilang napatay at nabihag na IDF soldiers at sibilyang Israeli at mga turista. Ang mas importanteng tanong: bakit nalusutan ng Hamas noong Oktubre 7 ang IDF at ng Mossad gayong kilala ang Israel bilang isa sa may pinakamoderno at sopistikadong kagamitang pang-armas, espionage at intelligence?

Ang ginawang paghambing ni PM Netanyahu sa October 7 Attack ng Hamas na kesyo ito raw ang Pearl Harbor o 9/11 ng Israel ay tumpak na pagtukoy—depende na lamang kung paano ito tingnan o kung lalawakan ang pagtingin sa pamamagitan ng tanong: Alam ba ng Estados Unidos na aatake ang Japan sa Hawaii noong 1944 o aatake ang sinasabing Al-Qaeda operative sa World Trade Center at iba pang lugar sa Estados Unidos noong September 11, 2001?

Sa mga ganitong katanungan, pwede rin bang itanong kung alam ng IDF at Mossad ang planong pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7? Sinabi ng isang dating miyembro ng IDF na kaya nilang diumano rumesponde sa loob ng limang minuto tuwing may pag-atake o terorismo laban sa Israel. Pero noong ikapito ng Oktubre, umabot umano ng anim na oras bago nakapagpalabas ang IDF ng kanyang mga sundalo na sasagupa sa mga Hamas militants.

Ano man ang sagot sa mga tanong na ito, hindi maiwasan na maikumpara ito sa Pearl Harbor at 9/11 at sa pagsiklab ng digmaan ng Estados Unidos at Cuba noong sumabog ang USS Maine sa Havana, Cuba noong Pebrero 15, 1898; at ang Mock Battle of Manila Bay na naging umpisa ng pag-okupa ng pwersang Amerikano sa Maynila noong 1898.

Para mangyari ang American-Hispanic War ay kailangang masindihan ang mitsa ng giyera na nagdulot ng limampu’t taong kolonisasyon ng Estados Unidos sa Pillipinas. Dahil sa mga ganitong mitsa—tama o mali—hindi nakakapagtaka na ikumpara ang October 7 sa mga ito.

Maski na tanggalin natin ang mga halimbawang ito, iyong sunud-sunod na pag-atake ng IDF sa Gaza noong 2008, 2012, 2014 at marami pang uri ng karahasan at terorismo ng Israel laban sa mga Palestino sa mga sinasakupang teritoryo, nakapagtataka ba kung bakit nangyari ang atake sa ika-7 ng Oktubre?

Hindi importanteng tanong kung bakit nangyari ang atake noong ika-7 ng Oktubre ng Hamas sa timog ng Israel, dahil nga marami nang beses ang pagsagasa ng Israel sa Gaza sa nakalipas na mga taon. Panahon lang ang makapagsasabi kung kailan mangyayari ang susunod na giyera sa Gaza. Ang mas importanteng tanong ay: bakit inabot ng siyam na taon mula noong huling giyera sa Gaza noong 2014 bago nangyari itong kasalukuyang pagsagasa ng Israel sa Gaza?

Gapos ng tanikala

Ang kasagutan dito ay magpapatunay na hindi lang simpleng awayan ng Israel at Hamas ang giyera ngayon sa Gaza. Bagkus, nakagapos ito sa tanikala ng pangmundong interes at pulitika ng mga dambuhalang bansa partikular ang Estados Unidos.

Matatandaan na ang estratehiya ng Israel noong patapos na ang termino ni Pangulong George W. Bush at sa papasok na si Pangulong Obama kung saan hindi naging kagandahan ang relasyon ng Tel Aviv at White House dahil sa pagtutol ng huli sa pagsiklab ng malaking karahasan sa alitang Palestine at Israel.

Dinagdagan ito sa pagsulong ng US at EU ng Iran Nuclear Deal kung saan matindi ang pagtutol ng Israel. Sa isang “misteryosong” sigwa ng kasaysayan ay bigla namang sumulpot ang ISIS habang humihina ang Al-Qaeda bunsod na rin ng pagkapatay ‘di umano ng US SEAL kay Osama Bin Laden sa Pishawar, Pakistan. Sumunod dito ang tinatawag na “Arab Spring” at ang pagsulpot ng ISIS.

Misteryoso dahil sa lahat ng bansa sa Gitnang Silangan, Israel lamang ang hindi nakaranas ng pag-atake mula sa ISIS. Subalit, maraming mga bansa sa Europa, Afrika at Asya tulad ng Pilipinas ang nanganib mula nang sumulpot ang ISIS dahilan kung bakit nagkaroon ng limambuwang giyera sa Marawi laban sa Maute at Abu Sayyaf at mga dayuhang terorista noong 2017.

‘Di kalauna’y nabaligtad ang polisiyang Obama noong pagpasok ni Pangulong Trump kung saan inilipat ng Washington ang US Embassy sa Jerusalem bagama’t labag ito sa maraming UN Resolutions lalo na ang UN Res. 181 (II) kung saan ang siyudad ng Jerusalem ay “corpus separatum under a special international regime and shall be administered by the United Nations.” Sinundan ito ng paghimok ni Trump sa mga bansang Arabo na tumalima sa Abraham Accord upang itulak ang normalisasyon ng Israel sa Gitnang Silangan.

Nagdulot ng kapahingahan ang mga pangyayaring ito—US foreign policy ni Pagulong Obama sa Israel at Palestine, pananalasa ng ISIS, at normalisasyon—sa Gaza bagama’t lumalala ang pagsagasa ng Israel sa West Bank, East Jerusalem, at sa paulit-ulit na pag-okupa ng Jewish extremists sa Al-Quds.

Kasama rito ang walang patumanggang pang-aapi ng Jewish settlers sa mga Palestino at pagpapatatag ng sistemang Apartheid sa lahat ng okupadong teritoryo. Hindi pa kuntento gawin ang mga ito, patuloy na nag-udyok ang Israel sa Iran, pag-assassinate sa mga Iran nuclear scientists at US “aerial assassination” kay Qasem Soleimani, isang mataas na military leader ng Iran.

Dahil sa normalisasyon, umasa ang mga bansang Arabo na may gagawin na positibong hakbang ang Israel sa mga Palestino. Pero walang konsesyon na ibinigay ang Israel maski na ginawang “bargaining chip” sa planong normalisasyon ng Saudi Arabia ang isyu ng Palestine. Mas lalong naglaho ang pag-asang iyon sa pagpasok ni President Biden sa White House lalo na nang ayaw ibalik o ilapit man lang nito ang kanyang polisiya sa dating nakasanayan ng mga Arabong lider sa panahon ni Obama.

Dahil dito, kumabig ng alyansa ang Saudi Arabia at GCC sa Rusya at Tsina. Pinaramdam ng Saudi Arabia at Rusya ang bigat ng kanilang desisyon sa pagtakda ng presyo ng langis sa pandaigdigang kalakal. Binalak din ng Saudi Arabia na palitan ang Dolyar ng Yuan sa pakikipagkalakalan nito sa Tsina. At ang huli, ginawa ng Tsina ang tila imposibleng mangyari: ipagbati ang Saudi Arabia at Iran.

Taliwas sa inaasahan ng Israel at Estados Unidos na mapaamo ng normalisasyon ang mga bansang Arabo; kabaligtaran ang nangyari dahil hinigop ang mga ito ng Rusya at Tsina—bagay na nagpabago sa timbangan ng pandaigdigang politika nitong tatlong dambuhalang bansa sa Gitnang Silangan. Imbis na mahatak ng Estados Unidos sa Israel ang mga bansang Arabo, dahil sa normalisasyon, itinulak pa ang mga ito sa Rusya, Tsina, at BRICS.

Dahil sa hindi nagustuhan ng Israel ang kabaligtarang nangyari sa normalisasyon, lalo na ang tahasang pagkabig ng alyansang Arabo sa Rusya at Tsina, nagbukas ng katanungan ang panibagong giyera ng Rusya sa Ukraine kung ano ang gagawin ng Israel.

Dalawang magkasunod na prime minister ng Israel (Neftali Bennet at Benyamin Netanyahu) ang nakipagkita kay Pangulong Vladymir Putin upang makatiyak kung ano ang magiging epekto ng giyera ng Rusya sa Ukraine at anong porma ng “linkage politics” ang maaaring mabuo sa Gitnang Silangan lalo na’t may presensyang militar ang Rusya sa Syria. Bagaman hindi idinidiin ng dalawang Israeli leader sa kanilang pakipagpulong kay Putin ang interes ng mga nakatirang Hudyo sa Ukraine, hindi malayong isipin na isa iyon sa katiyakan na gusto nilang marinig mula kay Putin.

Dahil sa natagalan ang giyera at nakatuon nang husto ang Rusya sa Ukraine at numipis ang pagsuporta nito sa kanyang giyera o alyansang panlabas, hindi malayong isipin na nakita itong pagkakataon ng Israel upang pagtagpuin ang kanyang interes at interes ng Hamas: sa una, makahanap ng mitsa para makagawa ng panibagong pagsagasa sa Gaza; sa panghuli (sa Hamas) upang makapuntos ito sa IDF at mapalakas ang kanyang imaheng internasyonal kung saan kaya niyang bumangga sa Israel at magamit ang mga bihag bilang “bargaining chip” kasama na ang makapagpalabas ng mga bihag na Palestino ang Israel at makakuha ng “international support” sa “two-state solution.”

Wagner Group

Ang maselang aspeto sa pagbago ng mga alyansa ay kung totoo na ang nagsanay sa Hamas attackers noong ikapito ng Oktubre ay mga Wagner Group ng Rusya. At nang lumakas ang hinala na maaaring may pagpapabaya ang IDF o Mossad sa October 7 Attack, at naitanong ito kay PM Netanyahu, hindi niya ito sinagot dahil tututukan daw muna nila ang giyera sa Gaza bago gumawa ng mga pag-aaral o pagrebyu kung bakit nagkaroon ng pag-atake noong Oktubre 7.

Malinaw na ang plano ng Hamas na gawing “bargaining chip” ang October 7 Attack ay malabong maisakatuparan dahil kagyat na ‘di tatalima ang Israel sa anumang negosasyon sa Hamas; pero, ang ‘di maikakaila ay nagsilbi nang napakahalagang serbisyo ang Hamas sa Israel sa kanyang pag-atake noong Oktubre 7. Sa madaling sabi, bagama’t mariin ang pagkamuhi ng Israel sa Hamas bilang kanyang kalabang mortal, sa totoo lang, siya naman ito ang nagbibigay ng mahalagang kadahilanan sa mga plano ng Israel, partikular ang kanyang panibagong pagsagasa sa Gaza.

Ang Iran ay tahasang sinabi na bagama’t tagasuporta ito ng Hamas, wala silang kinalaman ‘di umano sa pag-atake noong Oktubre 7. Pwedeng paniwalaan ang Iran sa punto nilang ito dahil ngang kung gusto ng Iran na atakihin ang Israel ay matagal na sana nitong ginawa. Gayundin ang Turkey. Hindi niya pwede pasimunuan ang pagplano sa October 7 Attack dahil simula nang nangyari ang insidente sa Mavi Marmara sa Gaza noong 2010 ay tahasang naayos din ang relasyon ng Israel at Turkey.

Kung hindi Iran at Turkey, sino ang nakipagsabwatan para magplano at magsanay sa Hamas? Dito papasok ang bagong aktor na hinihinalang mga Wagner Group ng Rusya. Kung totoo na may kinalaman ang Wagner Group, bakit naman gagawin nila ang pagsanay sa Hamas? Marahil ito ay sa kadahilanang maiparamdam ng Rusya na hindi nagustuhan ang umano’y pagtustos ng Israel ng armas sa laban ng Ukraine sa Rusya.

Dahil Wagner Group at maaaring hindi Russian military ang nagsanay sa Hamas, isang paraan ito para hindi masunog si Putin. At kung naghihintay lang naman ng mitsa ang IDF sa panibagong plano nito sa Gaza, makabuluhan para sa kanila ang pagpasok ng Wagner Group upang may magamit silang grupo para pagtakpan din si Putin at hindi tuluyang maakusahan na nakikialam siya sa Israel. Makikita ito sa pagkondena ni Putin sa di umanong terorismo ng Hamas at ang pagpapaalala niya na magdahan-dahan ang Israel lalo na sa pagkamatay ng libo-libong mga sibilyang Palestino na karamihan ay mga bata at kababaihan.

Tanong: Bakit walang pagkondena ginawa ang Israel sa Rusya kung totoo na may kinalaman ang Wagner Group sa pagsanay sa Hamas. Dahil sa panig ng Israel, hindi Rusya ang kalaban at wala itong planong paigtingin ang tunggaliang Rusya-Israel. Ang kalaban ng Israel ay Hamas at hindi rin Wagner Group kung totoo man na may kinalaman ang huli sa pagsanay sa una para maisagawa ang October 7 Attack.

Mas lalong umigting ang katanungan sa pagsanay sa Hamas noong napatay sa plane crash si Yevgeny Prigozhen, ang lider ng Wagner Group noong Agosto 23, 2003. Isang teorya ay pinapatay siya ni Putin pagkatapos ng naunsiyaming paglusob ng Wagner sa Moscow. Nagtangkang bumaligtad ang Wagner Group mula kay Putin pagkatapos nilang ‘di umanong mapabayaan ni Putin sa pakikipaglaban nila sa Ukraine.

Pagkatapos nang magkapagbati sina Putin at Wagner Group, nagpunta ‘di umano si Yevgeny sa Afrika para bisitahin ang kalakal nitong mga dyamante; pero pag-uwi niya sa Rusya, pinabagsak ang kanyang sinasakyang eroplano. Palaisipan kung sino ang nagpapatay kay Yevgeny—si Putin ba o Mossad?— gayong may nakatenggang tanong kung may kinalaman siya sa pagsanay sa Hamas sa Afrika bago ang pag-atake noong Oktubre 7.

Bagama’t maingat ang estratehiya ng Israel laban sa Rusya, tipikal na Bibi Netanyahu ang ayaw makipagtunggali kay Putin. Ganun din si Putin: ayaw din naman niyang sumawsaw nang malaliman sa giyera sa Gaza. Sa ganitong pagbalanse, di malayong mapagtanto ni Netanyahu na walang pwedeng dambuhalang bansa ang makakapagpahinto sa kanyang planong pagsagasa sa Gaza lalo na nang makakuha siya ng “go signal” mula sa Estados Unidos.

Pinakita ito noong naglagay ang huli ng mga dambuhalang barkong pandigma sa karagatan ng Mediterannean; hindi lang ito pansuporta sa Israel pero bilang “deterrence” o panakot sa kung sino mang bansa ang magtangkang pumasok sa giyera. Bunsod na rin ng mga “over the top” o paimbabaw na kapit ng Zionism sa pulitika ng Amerika, gusto rin ipakita ni Uncle Sam na siya ang hari pagdating sa pulitikang pangmundo sa Gitnang Silangan. Hindi Rusya o Tsina. At lalong hindi Iran o Turkey.

Sanib-pwersang panganib

Mismong sina US President Dwight Eisenhower at katulad nina Professor John Mearsheimer ng University of Chicago at mga iba pang respetadong manunulat sa buong mundo ang nagsabi tungkol sa panganib dulot ng pagsanib-pwersa ng “US military-industrial complex” at mga galamay ng Zionism katulad ng “Israel Lobby.” Ang epekto ng dalawang ito ay lantarang nakikita sa kasalukuyang pagsagasa ng Israel sa Gaza. Buti na lang hindi bumibigay ang Iran at Turkey sa pang-uudyok ng Israel para sila’y pumasok sa giyera. Pero, sa tingin ko hindi sa mga bansang ito manggagaling ang panganib.

Ang panganib ay ang mismong presenya ng Dimona Reactor Plant at mga nuclear sites sa iba’t ibang parte ng Israel tulad ng Negev Desert. Dahil kapag lumala ang giyera, pwedeng punteryahin ito ng Hamas, Hizbollah at Houti lalo na kung makakuha ang mga ito ng mga malalakas na armas pandigma. Sa kasalukuyang giyera ay nakikitang hindi lahat ng rockets na pinapakawalan nitong 3H ay nasasalag ng Iron Dome ng Israel.

Kung makakuha ng mas malakas at sopistikadong armas ang mga ito ay tiyak na tataas ang panganib, na sa kabuuan ay magreresulta ng tinatawag kong “logically progressive dialectic of war” kung saan ang dulo nito sa pagkarga ng panganib ay hindi lang Palestine at Israel, kundi ang buong Gitnang Silangan at buong mundo.

Panghuli, tingin ko hindi nararapat ang tanong: Paano sasagip sa Gaza ang Sangkatauhan? Dahil ang giyera ngayon ay hindi na lamang pagsagasa sa Gaza; ang nasagasaan dito ay ang mismong Sangkatauhan at kanyang ideyalismo at humanismo habang siya’y nahihirapang sagutin kung bakit nasadlak sa malagim na panganib ang ating panahon.

[Ang MindaViews ay seksyon pang-opinyon ng MindaNews. Ang papel na ito ay isang webinar lektsur na pinalawig pa pagkatapos na inorganisa ng Philippine Initiative on Critical and Global Issues noong 02 December 2023. Si Julkipli Wadi ay Propesor ng Linangan ng Araling Islamiko sa Unibersidad ng Pilipinas.]

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback