WebClick Tracer

CRUCIBLE: Eidu l-fitr 2024 — Sandigang Nubuwwah (5)

column titles julkipli wadi crucible mindaviews

LUNGSOD NG QUEZON (MindaNews / 12 Hunyo)—Ang sinasabi natin ay dapat mayroon tayong matibay na sandigan ngayong gumalaw na nang puspusan ang “ahas” ng makabagong Samari sa utos ng dakila at makabagong Pir-awn para linlangin at pamunuan muli ang mga angkan nina Nabi Ibrahim (as) Musa (as) at Eisa (as) o Hesus at ang buong mundo. 

Di Sapat ang Lakas laban sa Lakas

Ang pantapat dito ay hindi na kakayanin ng nakasanayan na tila moderno ring pamamaraan na nagdudulot lang nang pagiging sunod-sunuran sa dikta ng taghut. Ang pagpapatuloy sa gawaing ito ay mauuwi lang sa paglakas nitong dambuhalang ahas.

Hindi pwede tatapatan lang ng karahasan ang karahasan ng Zionismo. Mas lalo itong makakahanap ng dahilan para iangat ang antas ng tunggalian na pwedeng mauwi sa guerang nukleyar sa Gitnang Silangan. Sa guerang ito walang panalo; lahat talo. 

Totoo, maaring makapagdulot ng pansamantalang “deterrence” ang tapatang pwersa laban sa pwersa; pero hindi ito garantiya upang mapahinto ang kasakiman at pagmamalupit ng makabagong taghut. 

Bagkus, mas gagawa pa ito ng mga paraan para makapambiktima hindi lang ng mga Palestino pero mas marami pang mga tao sa buong mundo at gawin silang mga masang api o mustad’afeen. 

At kung lalaban ng parehas itong huli, ay mas gusto ito ng mga taghut dahil mayroon silang mapaggamitan ng kanilang pagsisinungaling, propaganda, pag-lalobby at maraming pa iba. 

Malaking tulong ang pagdeklara ng Korte ng Pangmundong Hustiya sa Estado ng Israel na tagapagtaguyod ng ginosayd sa Gaza. Pero, hindi ito sapat para mapahinto ito sa kanyang karahasan at sa plano nito na pagharian ang maraming parte ng Gitnang Silangan. 

Kinakailangan bumalik na yung sila’y mga nananalig sa “ahas ng katotohanan” sa pamamaraang Propetang Moises, Hesus at Muhammad (kinalugdan nawa sila ng ALLAH (swt).

Matingkad sa gawain ng tatlong propetang ito ang sunod-sunod na pag-aayuno ng apatnapung araw. Bilang pamamaraan ng pananampalataya, dapat sunod-sunod na pag-aayuno dahil wala nang humpay ang kalapastanganan at mga gawaing kamalian ng ahas ng kasalukuyang taghut

Ang layunin ng pag-ayuno sa Islam ay ang pagsunod sa utos ng ALLAH (swt). Ito ang karaniwang ginagawa ng mga propeta. Ito rin ay ginagawa sa paggunita sa mga mahahalagang pangyayari tulad ng pagpadala ng Banal na Qur’an kay Propeta Muhammad (saw), paglisan ni Adam (as) at ang kanyang asawa mula sa Paraiso, pagbiyak ni Moises ng dagat, pag-iwas sa tukso ni Hesus (as) mula sa Shaytan, at marami pang iba. 

Ang pag-aayuno ay pwede rin tingnan bilang isang uri ng pagdamay sa mga taong naapi bilang totohanang pag-akto at pakikipagkapatiran o “solidarity” sa kanilang paghihirap at pakikibaka. 

Hindi magandang tingnan na mayroon tayong kapatid sa ating humanismo o pananampalataya na saksakan ng hirap ang nararanasan tapos tayong mga gala o malaya ay walang ginagawa para sa kanila o magbulag-bulagan lang tayo o di kaya’y magtaingan kawali na lang. 

Dahil sa limitado ang aksyon na pwede nating magawa upang maibsan ang kanilang nararanasang hirap, kailangan natin silang damayan sa pamamagitan ng ating pag-ayuno o fasting. 

Ang kasabihan sa Tagalog “ang sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan” ay naaayon sa hadith na ang sakit na nararamdaman ng isang mananampalataya ay parang isang katawan kung saan damdam ang sakit nangyayari sa isang parte ng iba ring parte ng katawan. 

Hindi natin alam ang likas na lakas ng pamamaraang pag-aayuno ng mga propeta kung kapareho ang talab nito kumpara sa atin na mga ordinaryong tagasunod lang nila. 

Pero, klaro ang kanilang ginawa bilang proteksyon mula sa “ahas”—na tila ito rin sana ang ginawa ni Nabi Adam (as) dahilan kung bakit siya at ang kanyang asawa ay bumigay sa bulong o waswas ni Iblis o Shaytan na, ayon sa kwento ng Bibliya, ay nagmukha ding pigurang ahas. Dahil sa kanilang kahinaan at kawalan ng proteksyon, sila’y pinaalis sa Paraiso. 

Ayunong Tatawwuh

Tanong: Paano yan tayong mga Muslim ang pag-aayuno natin ay tatlumpung araw sa Buwan ng Ramadan tapos si Nabi Musa (as) at Nabi Eisa (as) ang kanilang ayuno ay apatnapung araw? 

Sa ganang akin, walang pagkakaiba ang dalawang tradisyong ito ng pag-aayuno. Dahil kung bibilangin natin ang sunnah ng pag-aayuno na tinatawag na tatawwuh o voluntary fasting ganun din ang kalalabasan—40 ang bilang lahat lahat pag pinagsama at ng 30 araw sa Buwan ng Ramadan. 

Bilangin natin. Ang pag-aayuno sa araw ng Lunes ay tradisyon ni Propeta Muhammad (saw) dahil iyon ay araw ng kanyang kapanganakan. Sa araw ng Huwebes nag-aayuno din siya dahil ito ang araw na dinadala ng mga Anghel sa langit ang magagandang gawain ng silang mga totohanang mananampalataya sa ALLAH (swt). 

Dahil sa dalawang araw na pag-aayuno ito sa isang linggo, samakatuwid, may walong araw na tatawwuh at idagdag pa rito ang tatlong araw na sunnah pag-aayuno na tinatawag na yawmu l-bid or “white days”—13th, 14th, 15th ng isang buwan sa Hijriyyah Calendar; lalabas na 41 araw lahat ang pag-aayuno ng mga Muslim na lampas pa ng isang araw sa pag-aayuno nina Moises at Hesus. Pag-iiround off yun kaparehas na yun sa 40 araw na pag-aayuno ng mga propeta tulad ni Nabi Musa (as) at Nabi Eisa (as) o Hesus.

Hindi na natin binilang ang ibang tatawwuh tulad ng anim na araw ng pag-ayuno sa Buwan ng Shawwal; siyam na araw ng Dhu l-hijjah; at unang araw ng Muharram at iba pa.

Samakatuwid, ang totoong sumusunod sa tradisyon ng pag-aayuno ni Moises at ni Hesus ay silang mga nag-aayuno lalong-lalo na kung gusto nila ito gawin bilang proteksyon mula sa taghut at pansalag sa mga pang-uudyok nito at sa mga lumalalang problema sa mundo ngayon. 

Kaya di man tayo makapagbunyi at makapagsaya, pasalamat tayo—na tayo ay nakapag-ayuno nitong Buwan ng Ramadan. Hindi lang ito’y pagsunod sa kautusan ng Islam kundi ito ay matibay na sandigan sa tradisyon ni Nabi Allah Musa (as) at Nabi Allah Eisa (as). 

[Ang MindaViews ay espasyong pang-opinyon ng MindaNews. Ang artikulong ito ay pang-limang parte ng Eidu l-fitr khutbah 2024 na pinalawig at nilakpan ng angkop na mga datos at pagtutulay para mabuo ang isang kumprehensibong tesis sa paksa “Ginosayd sa Gaza.” Si Julkipli Wadi ay Propesor ng Araling Islamiko sa Unibersidad ng Pilipinas.]

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback