WebClick Tracer

CRUCIBLE: Pilipino para sa Palestino

column titles julkipli wadi crucible mindaviews

(Talumpati sa kumperensya na may temang “Pilipino para sa Palestino Nagkakaisang tindig laban sa Imperyalismo” na inorganisa ng Youth for Nationalism and Democracy at PUP Samahan ng Mag-aaral ng Kasaysayan, idinaos sa CSWCD Auditorium, UP Diliman, Hunyo 18, 2024). 

QUEZON CITY (MindaNews / Hunyo 22) – Magandang umaga sa inyong lahat! 

Ako ay nagalak ng natanggap ko ang inyong imbitasyon. Kako ito na ang pagkakataon ako’y makapaglektsur sa Polytechnic University of the Philippines. Marami na akong napaglektsuran na unibersidad sa Maynila; PUP na lang ang isa sa mga hindi pa. 

Pero ngayon inilipat din pala ninyo ang venue ng forum dito sa UP — mukha ngang ayaw niyo akong pumunta ng PUP. Kayo pa itong pumunta rito. Maraming salamat sa kagandahang loob niyong ito.

Tatlong Diskurso

Gusto kong hatiin sa tatlong bahagi ang ating diskurso ngayon. Una, ang kahalagahan nitong paksa, “Pilipino para sa Palestino Nagkakaisang tindig laban sa Imperyalismo.” Pangalawa, paano unawain ang katagang “Pilipino para sa Palestino sa pananaw ng Realpolitik at humanismo? Pangatlo, paano titindig ang mga kabataan na mayroon isang tinig laban sa imperyalismo? 

Napapanahon itong ating paksa. Malinaw sa atin na ang ginosayd sa Gaza ngayon ay isang pagyurak sa karapatang pantao. Tulad ng alam ninyo ang karapatang pantao ay universal — kung ano man ang sakit nararamdaman ng kahit sinong tao katulad ng mga Palestino ay ganun din ang sakit ng nararamdaman natin dahil magkadugtong ang ating bituka ika nga bilang nilalang na kaparte o miyembro ng sangkatauhan. 

Pangalawa, malinaw na pag balewala sa mga batas internasyonal itong karahasan ginagawa ng Israel at ang kanyang pangunahing supporter na Estados Unidos dahil mismong United Nations na at ang International Court of Justice ang nagsasabi na labag sa mga batas internasyonal at mga UN Resolutions itong ginagawang ginosayd ng Israel sa Palestine.  

Pangatlo, labag sa ideyalismo ng humanismo itong nangyayaring karahasan sa Gaza at sa buong Palestine sapagkat hindi lang ito pag-alipusta at pagkawalang bahala sa kabutihang likas ng tao at sangkatauhan;  lalong hindi ganitong uri ng mundo — ang mundo na puno ng karahasan — ang gusto natin mamanahin ng ating mga anak at kanilang mga anak. 

Kung nagawa itong klase ng karahasan sa mga walang kalaban-laban na mga Palestino lalong-lalo na sa mga kabataan at mga musmos pang mga Palestino, hindi malayong isipin na pwede rin itong gawin sa ibang mga tao at sa ibang parte ng mundo. 

Dahil dito, kailangan maiangat natin ang ating pambansang kamalayan at mapalaganap ang totohanan kaalaman tungkol sa nangyayari sa Palestine; intindihin natin ang pangmundong galawan ng pulitika na nakapaloob dito; at yakapin natin ang idealismo at prinsipyo ng humanismo sa pagharap sa pambihirang hamon na ito. 

Kung hindi ito gawin ng maraming tao at sila’y di magkusa at di manindigan, tataas pa ang antas ng karahasan sa Palestine. Pagkatapos ng siyam na buwan ng malawakang pagbomba at pagpatay, nakita natin na walang bansang pwedeng tumindig at walang dambuhalang pwersa ang handang sumagupa sa dalawang bansang ito — ang Israel at Estados Unidos. 

Totoo, nandyan ang tinatawag na tatlong H — Hamas, Hezbollah at Houti — pero sila ay hindi mga dambuhalang bansa o pwersa; sila’y mga “resistance groups” lamang na walang kakayahan tapatan ang pinagkukunang kayamanan at pantustos sa guerra at mga sopistikado na kagamitang pandigma ng Israel at US.  

Sa totoo lang, ito pa ngang tatlong H ang ginagamit “pretext” o dahilan sa pagpapatuloy ng guerra at pagpapalawig ng polisiyang pandigma ng Israel at Estados Unidos dahil lang sa pagtawag sa kanila na mga “teroristang” grupo. 

Kung sila ay ginagamit bilang proxy ng ibang bansa katulad ng Iran, ito’y isang normal na gawain ng mga bansa at ng kanilang mga kaalyado o kakampi — katulad ng relasyon meron ang Israel at Estados Unidos. Ika nga “ang sarsa sa ganger ay siya ring sarsa sa gansa.”

Kung sapat nga ang pwersa nitong tatlong H eh di sana ay napahinto na nila ang ginosayd simula noong inilunsad ito siyam buwan na ang lumipas. Pero, dahil sa sila ay maliit na grupo lamang sila pa nga ito ang ginagamit na dahilan para ipagpatuloy ng Israel at US ang puspusang guerra nila sa Gaza. 

Sa tanya natin pagkatapos nitong guerra sa Northern at Central Gaza kasama itong nangyayaring giyera sa Rafah at ang pag masaker sa Nuseirat, ang isusunod naman na kukuyugin ay ang West Bank; pagkatapos dito ay maaring isusunod na ang pagkubkob sa East Jerusalem kung saan nandidyaan ang Al-Quds. 

Ang Al-Quds ay simula’t sapul simbolo hindi lang ng mga Muslim sa Palestine; simbolo rin ito kung gaano kataas ang “multiculturalism” at “interfaith relation” ng mga Hudyo, mga Arabeng Kristiyano at mga Muslim. 

Katunayan nanganganib ngayon ang Lebanon na kadikit na ng bansang Iran. Di malayo kung may guerra sa Lebanon, papasok ang Iran sa guerra na maaaring hindi na lang katulad ng nangyari noong nakaraang dalawang buwan na muntik nang magka guerra pang nukleyar ang Israel at Iran. 

Dapat nating maintindihan na hindi ordinaryong “geopolitics” ang nangyayari sa Palestine. Bagama’t may pagkahalintulad ito sa nangyayaring guerra ng Rusya sa Ukraine at ang girian sa may South China Sea ng Tsina, Pilipinas at Vietnam at mga ASEAN countries, itong huli ay mga halimbawa ng guerra at tensyon ng mga bansa na hinubog ng “geopolitics” — ito ang awayan o galawan ng mga dambuhalang bansa gamit ang kanilang pwersa at impluwensya na naglalayon palawigin ang kanilang interes.

Pero ang nangyayari sa Palestine ay pinaghalong “geopolitics” at pamamayagpag ng ideolohiyang Zionismo karugtong ang masalimuot na usapin ng kasaysayan, lupain at relihiyon kasama ang aspetong eskatologia. 

[Ang MindaNews ay espasyong pang-opinyon ng MindaViews. Ang artikulong ito ay paunang parte ng nasabing talumpati. Pinunan ng mga angkop na puntos at datos para mapanatili ang daloy at komprehensibong tesis ng talumpati. Si Julkipli Wadi ay Propesor ng Araling Islamiko sa Unibersidad ng Pilipinas].

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback