(Speech of Chief Justice Ma. Lourdes Sereno after the decision granting the quo warranto petition against her. Supreme Court, May 11, 2018)
Mga kababayan, maraming salamat po sa Panginoong Diyos, pagka’t lumawak na po ang ating laban. Lumawak po ang ating laban. Walo lamang po ang dapat bumoto sa kaso ng quo warranto dahil ang anim ay dapat nag inhibit.
Ayon sa rules ng compulsory inhibition. Kaya kung tutuusin, panalo po tayo.
Sa natitirang walo, anim ang nagsabi hindi dapat ako alisin. Dalawa lamang ho bumuto na ako ay dapat alisin.
Ngunit dahil ayaw mag inhibit ang dapat nag inhibit, ganyan na lamang ho ang nangyari. Inaalis ako sa pwesto ngunit ang 6 na boto na ako ay dapat manatili ay patunay na tama ang aking paninindigan at ng inyong paninindigan.
Ito po ay una sa ating kasaysayan na inalis ng mayorya ng Korte Suprema ang isa sa kanilang kasamahan. Inangkin nila ang tanging karapatan ng Senado, tahasang nilabag ang sinumpaang tungkuling pag-ingatan ang Saligang Batas, at winasak ang hudikatura. Ayon sa iskolar na si Raul Berger, tanging impeachment lamang ang paraan upang patalsikin ang isang mahistrado ng Korte Suprema, pagka’t kailangan ring ipagtanggol ang independensiya ng mga mahistrado sa isa’t isa. Kundi, kayang-kayang tanggalin ng barkadahan ang sinuman, sa anumang rason, basta’t nasa kanila ang sapat na boto. Ganoon na nga po ang nangyari — tahasang naging tagahusga ang anim na mahistrado na bahagi ng mga taga-akusa sa akin.
Alam ko pong nalulungkot kayo sa pangyayaring ito. Kung kaya ko lang pahiran ko ang inyong mga luha ay gagawin ko ngayon. Nais ko pong yakapin at pasalamatan ang bawat isa sa inyo. Binigay ninyo sa akin ang inyong oras at malasakit, parang nasayang lang. Binigay ninyo ang inyong puso at paniniwala sa akin at dahil dito ay habambuhay akong tumitingala sa pagkakautang sa inyo. Taos puso akong nagpapasalamat sa inyong suporta at paninindigan. Pero sinasabi ko sa inyo, ang mga buwan ng pananalangin, paglalaban, at paninidigan ay mayroong malaking saysay.
Ang araw na ito ay hindi tungkol sa akin. Sa katotohanan, hindi ito ang unang pagkakataon na linabag ang ating mga batas at institusyon. Hindi ito ang unang pagkakataon na binale-wala ang ating mga karapatan.
Ang araw na ito ay tungkol sa mga may kapangyarihan na nagpasya na hindi sila nasasakop ng batas, at kung saan tayong lahat ang biktima.
Samakatuwid, ang araw na ito ay tungkol sa ating lahat, lalo na sa mga nakararanas ng panggigipit. Ito ay tungkol sa lahat na naghahanap ng patas na batas na walang pinapanigan at hindi umiindak sa tugtog ng pumumulitika at pamumuwersa. Ito ay tungkol sa bawat isa sa atin na naghahangad ng pamahalaang inuuna ang interes ng bayan kaysa sa sariling adyenda. Ito ay tungkol sa ating ipinaglabang demokrasya na muling inagaw sa atin. Ito ay tungkol sa kinabukasan ng ating mga kabataan.
Kaya’t ang araw na ito ay hindi kabiguan kundi isang tagumpay, sapagkat ipinakita ninyo ang lakas ng mga nasa panig ng katotohanan laban sa makapangyarihan.
At habang tumitindig tayo para sa matuwid, hindi tayo kailanman magiging talunan. Ang araw na ito ay hindi katapusan, kundi simula lamang.
Sa araw na ito, lipunin natin ang ating tapang at iparinig ang ating nagkakaisang tinig. Hindi na tayo maaaring manatiling tahimik, dahil ang nanahimik ay katumbas ng pagiging kasabwat sa kanilang pang-aabuso. Isantabi muna natin ang ating mga pagkakaiba dahil may mas malaki at malakas na kalabang kailangan nating lahat harapin.
Kailangan higit ang pagmamatyag natin sa mga panahon ng pagdilim. Buuin natin ang isang kilusang Pilipino na patuloy na ipagtatanggol ang katarungan at maniningil ng pananagutan sa ating mga tinalagang lingkod bayan. Patuloy nating ipagtanggol ang Konstitusyon at labanan ang kabuktutan. Patuloy nating ikalat ang mensahe ng demokrasya at katuwiran.
Magtiwala kayo, sama-sama nating titibagin ang mga kasinungalingan at pagmamalabis. Inilagay tayo dito para sa ganitong mga panahon.
Ang araw na ito ang araw ng paglaban.
Mabuhay ang lahing Pilipino! Mabuhay!