
Sa entablado ng Senado,
naririnig ang palakpak,
pero sa bulsa ng masa,
walang laman, walang salapi,
walang pag-asa.
Sa bawat “Honorable,”
may kasamang sobre,
tinatakpan ng ngiti
ang sindikato, habang ang tao
—nagsisiksik sa jeep,
naglalakad sa baha,
kumakain ng asin at kanin,
habang sila—nagbibilang
ng milyon parang butil ng
bigas na hindi nauubos.
Naririnig niyo ba? Ang sigaw
ng mga bata na gutom,
na pinapalitan lang ng jingles
tuwing eleksyon,
“Para sa bayan!” daw—
pero ang tunay na bayan
nasa likod ng kurtina, niluluto,
hinihiwa, nilalamon
ng sarili nilang kutsara’t tinidor.
Mga politiko, mga makata
ng kasinungalingan,
ang taludtod nila’y pangakong
paulit-ulit, pero sa hulihan ng tula—
ang tanging rima:
komisyon, transaksyon, korapsyon.
At sa bawat ulan, tayo ang
lumulubog. Tubig
hanggang tuhod,
hanggang dibdib,
hanggang leeg, hanggang
wala ka nang malanghap
kundi ang baho ng
bulok na sistema.
Tayo ang nilalamon ng agos,
tayo ang hinahampas ng
alon ng pangako,
tayo ang pinipilit sumigaw
sa ilalim ng tubig
at ang hininga’y
kinakain ng baha.
Naririnig mo ba ang iyak
ng pamilyang nakasampa
sa bubong? Habang ang opisyal
ay nakasampa sa podium,
nagsasalita ng pangakong
kasing dalas ng ulan, pero kasing
babaw ng imburnal.
Sila—nakaligtas sa
bangkang ginto, tuyo ang
kanilang barong,
samantalang tayo’y
kumakapit sa bubong,
nilulunod ng sariling bayan.
Tayo raw ang pinuno, pero
bakit parang alipin?
Tayo raw ang hari, pero bakit
parang pulubi?
Demokrasya raw, pero
parang dinudurog ang boto,
ginagawang titulo ng lupa,
ari-arian nilang ipinapamana.
Kaya’t tumayo ka, Pilipino!
Bago ka tuluyang malunod,
bago ka mawalan ng hininga
sa sariling lupa, huminga ka
ng galit, huminga ka ng
tapang, huminga ka ng
panawagan.
Korapsyon ang sugat ng
bayan, at ang dugo nito’y
dumadaloy sa baha.
Pero hindi tayo dapat lunurin.
Tayo ang gamot.
Tayo ang sigaw.
Tayo ang tula na
hindi nila mabibili.