WebClick Tracer

CRUCIBLE: Eidu l-fitr 2024 — Sinag Humanismo ng Tungkod ni Moises (4)

column titles julkipli wadi crucible mindaviews

QUEZON CITY (MindaNews / 13 May) – Ano naman ang simbolismo ng tungkod ni Nabi Allah Musa (as) o Moises kung saan ito ang tumalo sa mga ahas ng mga Samari o mahikero ng Ehipto at nagpabagsak sa kapangyarihan ni Pir-awn?

Sa ganang akin, ang tungkod ni Nabi Musa na naging ahas ay tungkod ng katotohanan (haq). Taglay ng ahas na ito ang hidayah o gabay. Kung sino man ang makakita nito dahil sa bukas at busilak ang kanyang puso, siya’y walang magawa kundi yakapin ang katotohanan. 

Ito ang dahilan habang kasagsagan ng giyera ngayon sa Gaza, di na mabilang ang mga libong-libong mga tao sa iba’t-ibang parte ng mundo ang nakikisimpatya sa mga Palestino sa Gaza. 

Ganito rin kadalasan ang nangyayaring pagsuporta ng mga tao sa mga biktima tuwing may malaking giyera tulad sa Vietnam, Iraq at maraming mga bansa na biktima ng polisiyang kolonialismo at imperyalismo. 

Subalit, iba ang lalim at implikasyon ng giyera at ginosayd ngayon sa Gaza. Iba rin ang mga simbolismo rito at kanyang representasyon sa mga pangyayari at mga grupo at pwersa at ng kanilang mga adhikain at ideolohiya.

Marami sa mga tao sa ibat-bang bansa ang naingganyong pag-aralan ang kasaysayan ng Palestine at sila’y nagdesisyon taliwas sa mga pinapalabas sa tradisyonal at sosyal media na kadalasan ay mga sakop o galamay din ng mga taghut.

Ito rin ang dahilan kung bakit di na mabilang ang nagbabalik Islam sa buong mundo tuwing may mga “conspiracy” tulad ng 9/11 o mga pang-aapi at pagmamalupit tulad nitong malawakang pagpatay ng Palestino — na di naman mapagkaila ang katotohanan na sila ang tunay na mga angkan o salinlahi galing sa mga propeta tulad nina Nabi Ibrahim (as), Nabi Musa (as) at Nabi Eisa (as) o Hesus. 

Naipakita ito kamakailan sa pag-aaral ng John Hopkins University kung saan lumabas sa survey nito na ang tunay na may orihinal o katotobong ugat ng dugo o DNA sa Palestine ay mga Palestino — hindi yung mga Zionistang mananakop o mga dayo at banyaga galing Europa. 

Ahas ng katotohanan

Kung ating lalawakan ang ating imahenasyon, ang ahas na ang orihinal nito ay siyang tungkod ni Nabi Musa (as) ay nakapulupot din sa buong mundo at ang ulo nito ay may dalawang mata. 

Ang isang mata ay nakamatyag sa Madinah, ang lugar kung saan nakalibing ang labi ni Nabi Muhammad (saw); ang kabilang mata naman ay nakamatyag sa Makkatu l-mukarramah, ang lugar ng kapanganakan ni Nabi Muhammad (saw). 

Itong huli ay lugar na kung saan inutusan ng ALLAH (swt) si Nabi Ibrahim (as) at ang kanyang unang anak na si Nabi Ishmael (as) na itayo ang Ka’aba, ang Banal na Tahanan ng ALLAH (swt). 

At si Nabi Ishmael (as) ay siya namang kanuno-nunuang amang propeta ni Nabi Muhammad (saw). Ang dalawang lugar na ito — Makkah at Madinah — ay itinuturing “haram” sagrado sa Islam kasama na ang Jerusalem bilang pangatlong “Holy site” ng mga Muslim. 

Pagbalik di umano ni Nabi Ibrahim (as) mula Makkah papuntang Jerusalem pagkatapos ng apatnapung araw naitayo nila ni Nabi Ishmael (as) ang Ka’aba, ay itinayo rin niya ang lugar sambahan sa Jerusalem. Ito na yung pinalawak at ginawang templo sa panahon ni Nabi Daud (as) o David at sumunod ang anak niyang si Nabi Sulayman (as) o Solomon. 

Pagkatapos ng mahabang panahon noong Emperyong Romano hanggang sa pinabagsak ito ng mga Arabong Muslim, ito namang ang naging Bayta l-maqdis o ang tinatawag na Al-Quds sa Jerusalem. Ang Bayta l-maqdis ay ang unang qibla (direksyon sa pagdarasal ng mga Muslim) bago nailipat ito sa Ka’aba sa Makkah.

Sinabi sa Banal na Qur’an: 

“Katiyakang ililingon ka Namin sa isang Qibla (pook ng pagharap sa pagdarasal) na magbibigay kasiyahan sa iyo, kaya’t ilingon mo ang inyong mukha patungo (sa direksyon) ng Banal na Buhay dalanginan (sa Makkah) (2:144).”

Tunggalian ng dalawang ahas

Samakatuwid, tila may dalawang ahas na nakapulupot sa isa’t-isa na makikita sa tunggaliang Zionismo laban sa sangkatauhan. 

Dahil nagtataglay ng katotohanan ang tungkod ni Moises na galing sa kapangyarihan ng ALLAH (swt) na siyang nagpabagsak kay Pir-awn, tuluyang din itong sumusinag sa mundo ngayon na makikita sa paninindigan ng mga tao sa katotohanan at kagandahang loob at sa paghubog ng kanilang humanismo.

Itong huli ay naglalaman ng idealismo at nakikita sa kagandahang-asal meron ang sangkatauhan kasama ang silang mga nasa Kanluran o West. Pinagtibay din ito ng Judeo-Christian tradisyon simula nung pumasok itong huli sa paghubog ng paniniwala at mga kagawiang asal ng mga taong puti. 

Subalit, dahil sa napagsamantalahan ang paniniwalang Kanluranin ng Zionismo sa pamamagitan ng pagpunan ng mga huwad at radikal na interpretasyon ng relihiyon at Bibliya, nahati ang paniniwalang Kanluranin doon sa nagpagamit sa pamamaraan ng taghut at yuong mga lumaban sa pagmamalabis ng Zionismo. Dito sa pangalawang bahagi nanggagaling ang mga ideya at inspirasyon ng malawakang pagtutol at “global resistance” sa pang-aapi at kalupitan ng Zionismo sa mga Palestino.

Ang simbolismo nitong dalawang ahas ay mairerepsenta rin sa kabaligtarang epekto ng maraming giyera na tinutustusan ng mga armas mula Estados Unidos at mga bansa sa Europa at Israel sa tulong na rin ng mga bansang Arabe. 

Dahil sa walang katapusang giyera sa Gitnang Silangan, nagdudugtong tuloy ang humanismo ng Kanluran duon sa paghihinagpis at du’a o dasal ng mga mustad’afeen dahil silang huli ang malinaw na nagiging mga biktima. At imbes na sila ay lumisan papuntang mga Arab countries o bansang Muslim tuwing may giyera, mas pinipili ng mga mustad’afeen ang mag bakwit o makipagsapalaran sa Amerika at Europa. 

Tuloy, silang mga “bakwit” ang nagiging instrumento sa pakikipagsalamuha sa mga Kanluranin at, di kalauna’y, nabubuo nila ang panibagong daru l-islam o komunidad ng mga Muslim sa maraming bansa tulad ng Amerika, Britanya, Aliman, Pransiya at iba pa. 

Kabalintunaang Islam at Kanluran

Dahil sa kabalintunaang ito, salamat sa mga pagbomba at mga kagamitang pandigma na galing US, Europa at Israel na madalas na pinababagsak sa Syria, Yemen, Libya at Aghanistan kasama na ang giyera ngayon sa Palestine — napabilis tuloy ang paglaganap ng Islam sa buong mundo!

Nagpapakita din ang dalawang nagkakapuluputang ahas na ito ng bagong hugis ng pakikipag-ugnayan ng dating tinatawag na “Clash of Civilizations” na ngayon ay mas angkop na tawagin na “algebraic relation” ng Islam at Kanluraning sibilisasyon — kung saan ang una (Islam) pumapasok sa Kanluran sa pamamaraang normal na proseso ng pagtanggap ng mga Amerikano at Europeo bilang kanilang bagong relihiyon at pang araw-araw na gabay sa kanilang buhay. Mga mustad’afeen at mga immigrants ang nagpapabilis sa pagbuo nitong makabagong “equation” ng Islam at Kanluran.

Sa parte naman ng Kanluran o “West” ay minamandohan ito ng Zionismo sa pamamagitan ng walang humpay na giyera at sapilitang pagsaksak ng mga Kanluraning polisiya at programa sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng makalumang stratehiya ng giyera at mga instrumento ng pang-aapi na binasbasan naman ng pamamaraang neo-kolonialismo at imperyalismo na minamaniobra ng Israel at mga galamay nito. Taghut naman ang nagtutulak nitong Kanluraning “equation” sa Gitnang Silangan at mga bansang Muslim at mga Third World countries.

Ang pagkabuo ng Estado ng Isreal sa pamamagitan ng tinatawag na “settler colonialism” ay ang malinaw na testamento kung paano nakipagsabwatan ang Zionismo at mga galamay ng Kanluraning imperyalismo na ngayo’y ay paunti-unti naman binabasag mula sa kanyang pusod dahil sa dumaraming mga mustad’afeen at mga nagbabalik Islam na mga puti at mga alyansang nabubuo nila sa mga progresibo at humanistang grupo sa US at Europeo.

Ang tunggaliang ito ay kalahok ang maraming mga bansang Kanluranin at mga nasyon na nagagamit bilang kasangkapan sa pagtatayo ng Pax Zionismo. Sabi nga natin, ang ulo o sentro nito ay nakabase sa Jerusalem habang nakapulupot ito sa mga bansang Arabo hanggang Europa at Estados Unidos. 

Nahahati tuloy ang mga pangmundong institusyon katulad ng United Nation sa interest ng Big powers (US, Russia, China, France, at Britanya) at ang karamihan ng mga bansa na miyembro ng General Assembly. Kahit bumoto ang buong General Assembly sa pagsuporta ng pagbuo ng Palestine State, halimbawa, isang bansa lang katulad ng US ang magveto dito ay mababasura at mapawalang bisa ang boto ng buong General Assembly.

Ang limitasyong ito ng United Nation ang nag-uudyok sa mga taong mulat sa katotohanan at alam ang kabaluktutan ng Kanlurang pamamahala ng UN at mga kabaluktutan ng pangmundong institusyon ang naghuhudyat para dalhin sa lansangan ng mga mulat at progresibo sa ibat-ibang bansa ang pakikibaka ng katulad ng Palestine. 

Sila tuloy itong mga sumosuporta sa adhikain ng mustad’afeen — katulad ng mga Palestino ay naaakusahan bilang “anti-semitic” na isang maling “semantic” na tumutukoy sa pagiging anti-Jew na kung tutuusin hindi lang mga Hudyo ang semites; katotohanan ang mga Arabo ang mas may purong DNA tulad ng Palestino at sila ang tunay na angkan ni Shem ang isa sa mga anak ni Propeta Noah, ang pinanggalingan ng salitang “semitic.”

At hindi lahat ng sumosuporta sa mga Palestino ay mga “anti-Jew.” Katunayan, maraming mga Hudyo ang silang may malakas na mga adbokasya sa pagsuporta sa mga Palestino. 

Marahil sila itong binabanggit ng Banal na Qur’an na may dugo galing Bani Israil subalit hindi sila kaloob dun sa mga nagrebelde sa Diyos at sila, katulad ng isang tao na may payak na nafs o kaluluwa at ang buong sangkatauhan mismo, ay may busilak na puso at pagmamahal sa kapwa —na taliwas sa gawain ng mga kalahi nilang Zionistang taghut.

At dahil sa nararamdaman sa Kanluran ang lumalakas ng presensya ng mga Muslim sa Amerika at Europa at nakikita ito sa mga alyansa nila sa mga progresibong grupo sa Kanluran, lumalakas din ang “Islamophobia” at “anti-Islamic sentiments” sa ibat-ibang bansa.

Ang pangalawa — ang ahas ng katotohanan — na nirerepsententa ng kabutihang loob ng mga tao sa buong mundo ay nakikita sa mga batayang asal ng pagpapahalaga sa buhay at paniniwala na ang bawat nilalang ay miyembro ng kabuoang humanismo at ng buong sanlibutan. Sila ito ang lumalaban sa mga pang-aapi at pagmamalabis ng ahas ng makabagong taghut, Samari at Pir-awn. 

Sa totoo lang matagal na ang labanang nitong dalawang ahas. Hindi lang natin halos maramdaman sapagkat sila ay naglalaban ng girian at ipitan at mga panlilinlang at kasinungalingan lalo ng mga pwersang malalakas laban sa malilit at mga naaapi.

Pwersang panloob ng sangkatauhan

Subalit, dahil may pwersang panloob bilang daluyan ng gabay o hidayah ang katotohanan, may kakayahan makapagbago ng pananaw at puso ang sila’y mga api o mustad’afeen tulad ng mga Palestino. Kanilang naiipluwensyahan ang mga taong puti na may busilak na puso sa Kanluran at sa buong mundo para manindigan sa kanila.

Dahil sila ang makasaysayang lahi bilang angkan ng mga propeta, sila lang na mga Palestino ang pwedeng tumindig at pangunahan ang paglaban sa pwersa ng mga taghut. Sinabi sa hadith ni Propeta Muhammad (saw): 

“Mayroon palaging grupo ng aking ummah na magiging matagumpay sa katotohanan na tatalunin nila ang kanilang mga kaaway. Hindi sila madadaig ng sinuman kanilang mga kaaway maliban na lang dun sa mararanasan nilang paghihirap bilang pagsubok sa kanila hanggang dumating na ang kautusan ng ALLAH (swt) na sila ay ganun pa rin. Nagtanong sila (mga sahabah): Taga saan sila O sugo ng ALLAH (swt)? Sumagot siya (Propeta Muhammad (saw): Sila ay taga Jerusalem at mga nakapalibot sa Jerusalem. (Ahmad).”

At dahil ang kanilang mga kaaway ay taghut na walang pakundangan sa paggamit ng dahas, kung nagawa nila ang kanilang gusto sa mga Palestino bilang kanilang dakilang eksperimento lalo na sa paggamit ng malalakas na mga armas at mga bala, mga hukbong pandagat at makabagong eroplanong pandigma kasama ang kanilang pag-imbak ng armas nukleyar, walang dahilan na di nila pwedeng gawin ang kanilang panggigipit at pagmamalabis sa lahat ng mga bansa at mga nasyon pagdating ng panahon.

Nagbabala na ang Banal na Qur’an tungkol dito na nagsabi: “Kung kayo ay gagawa ng mabuti, mabuti ito sa iyong sarili. Kung kayo’y gagawa nang masama, ginawa niyo ito laban sa yung sarili (Qur’an: 17:7).”

Kung susundin ang pagpapahalaga sa sangkatauhan katulad ng pagpapahalaga sa buhay ng isang tao — ito ay bilang mensahe sa Bani Israil — na sana ang ginawa nila ay pahalagahan ang buhay ng kahit isang nilalang, para sa ganun ay matuto sila sa pagpapahalaga sa sangkatauhan at isalba nila ito kung kinakailangan. 

Pero, kabaligtaran ang kanilang ginawa dahil hindi lang isang nafs o kaluluwa ang pinagkaitan nila ng buhay bagkus ay buong sangkatauhan na rin dahil sa di na mabilang ang kanilang pinagpapatay na mga Palestino noong pang 1948. Dahil sa nakagawian pang-aaping yung, lalo na itong kasalukuyang giyera sa Gaza ay tinawag na nang ICC na “genocide.” 

Balikan natin ang tanong: Saan tayo huhugot ng lakas ng loob para sa ganun ay makatulong tayo na mapagbigkis muli ang dalawang pwersa at maibalik muli, hangga’t maari, ang pagkakaisa ng sangkatauhan kung saan malayang namumuhay ang mga Hudyo, ang mga Kristiyano, at mga Kamusliman katulad ng meron sa dating Jerusalem at buong Palestine?

Itong tanong ay maaaring isipin na isang napaka-ambisyosong adhikain. Pero, huwag natin maliitin ang ating mga sarili sapagka’t katulad ng sabi ng Banal na Qur’an ang pagpahalaga sa isang buhay ay pagpapahalaga na rin sa sangkatauhan. 

Nangangahulugan na nasa ating mga sarili bilang indibidwal ang kapangyarihan sa pagpapahalaga ng buhay.  Ang pagiging mabuting tao na may pagpapahalaga sa buhay ay ambag na natin sa pagpapalaganap ng humanismo at kabutihan sa ating kapwa.

[Ang MindaViews ay espasyong pang-opinyon ng MindaViews. Ang artikulong ito ay pang-apat na serye ng Eidu l-fitr khutbah 2024 na pinalawig at nilakpan ng mga angkop na datos at pagtutulay para mabuo ang komprehensibong tesis ng paksa “Ginosayd sa Gaza.” Si Julkipli Wadi ay Propesor ng Linangan ng Araling Islamiko, Unibersidad ng Pilipinas].

Search MindaNews

Share this MindaNews story
Send us Feedback