WebClick Tracer

TAUSUG IN DOHA: Puno ng Durian 

tausug in doha column gamson quijano mindaviews

DOHA (MindaNews / 06 August) — Sa may timog-kanlurang Pilipinas, may isang lalawigan na ang pangalan ay Sulu na napakasagana sa mga naiibang uri ng prutas kagaya ng durian, mangosteen, lanzones, wanni, marang, bawnu’, at iba pa. Ngunit, sa mga prutas na ito, durian ang may naiibang katangian. Dahil sa taglay na katulisan ng kanyang mga balat ay mahirap at masakit ito hawakan ng walang sapin ang kamay; ngunit napakabango naman ng kanyang amoy. 

Hilig na ng karamihan ng mga tao doon sa amin ang kumain ng durian sapagkat sa oras na ito ay binuksan, katakam-takam at matamis ang kanyang laman. Tila ba abot langit ang saya na mararamdaman ng mga tao na mahihilig dito sa mga oras na natikman nila ang durian. Bagaman, meron din naman mga tao ang ayaw ang durian lalo na pag hilaw pa ito dahil sa naiiba nitong amoy at lasa na tila ba nagdudulot ng sama ng pakiramdam sa kanila.

Hilaw man ang durian o kaya’y ginagawang palaman na kung tawagin sa amin na “mantakilliya,” ako at ang aking mahal na Ama ay labis na mahilig kumain nito. Sa katunayan, noong bata pa ako, sa loob ng bakuran ng aking lola sa bayan ng Jolo, kami ay nagtanim ng durian. Araw-araw namin ito dinidiligan. Pag nasa trabaho ang aking Ama, pagkauwi ko sa eskuwelahan sa hapon, binibisita ko ito sa likod ng aming bakuran para kumustahin at diligan ng tubig na galing sa pinaghugasan namin ng bigas. 

Dahil sa kagustuhan ng aking mahal na Ama na lumaki ng malusog at maganda ang aming munting tanim na durian, sa tuwing wala siyang pasok sa trabaho, palagi nya ito ginagamitan ng gamot sa pamamagitan ng pangwisik sa mga dahon at sanga nito. Ito din ang naging sanhi ng pagkalagas ng kilay ang aking Ama.  Ako naman, may mga oras na kumukuha ako ng tuyo na dumi ng baka para ilagay sa gilid ng aming munting tanim na durian bilang pataba. 

Lumipas ang ilang taon, lumaki ng malusog at maganda ang aming munting tanim na durian. Ako at ang aking mahal na Ama ay ubod na ng galak na masaksihan at matikman namin ang bunga ng tinanim naming durian. Kung nagkataon, ito ang kauna-unahang puno na maaari mag bunga na galing sa pagsusumikap naming dalawa ng aking Ama. Maliban sa durian, meron din kaming tanim na abokado, bayabas at sari saring mga gulay ha loob ng bakuran ng aking lola. Kaya naman kapag gusto ng aking mahal na Ina na magluto ng gulay, pipitas na lamang kami sa aming mga tanim. 

Dumating ang panahon hindi ko na nasisilayan at naalagaan ang tanim kong durian sapagkat ako ay napalayo na sa aming bayan para mag aral na ng kolehiyo sa siyudad ng Zamboanga. Tanging aking Ama na lang ang nagpatuloy sa pag aaruga sa aming tanim na durian. Dahil sa dami ng mga gastusin sa pag aaral sa kolehiyo sa siyudad, kaylangan ko talaga mag tipid para matustusan ko ang mga pang araw-araw na pangangailangan sa aking pag aaral. Dahil diyan, madalang na talaga ako nakakauwi sa aming probinsiya. Hindi ko na nasubaybayan ang pagsulong ng aming tanim na durian. 

“Unti-unti na itong namulaklak sinyales na papalapit na itong mamunga,” kwento ng aking mahal na Ama pag tumatawag ako sa kanila para mangumusta. Nararamdaman ko ang pagkagalak ng mahal kong Ama sapagkat sa hindi kalayuan ay aanihin nya na ang bunga ng kanyang pagsisikap lalo na’t kinalulugdan nya ang prutas ng durian. Pag dati-rati ay nakakakain lang siya ng durian pag siya ay bumibili sa palengke. Pero ngayon ang makakain nya na durian ay mula na mismo sa pawis ng kanyang pagsisikap dahil sa isa siya sa mga nagnatim nito. 

Sa wakas, ang pinakahihintay na araw ng anihan ay dumating na nga. Dahil sa maselang pag aalaga naming sa tamin naming durian mula pa sa maliit ito hanggang sa ito ay lumaki, nagbigay ito ng masaganang ani. Labis-labis ang kanyang naging bunga. Hindi lang maliit ang kanyang buto at malaman at saka napakasarap din ng lasa ng kanyang bunga. Sa katunayan, marami ang nakatikim ng kanyang malaman at nakakatakam na bunga. Umabot din ang taas ng balangay nito hanggang sa ikatlong palapag (rooftop) ng bahay ng aming kamag anak na kapit bahay. Kaya naman kwento ang aking tiyahin, minsan ay naabot na lang ng kanilang kamay ang mga bunga nito. 

Sa Sulu, minsan santaon lang ang durian pag namunga. May mga pagkakataon na nakakauwi ako sa aming probinsya sa Sulu na hindi pa panahon ng kanyang pagbubunga kaya hindi ko natitikman ang bunga nito. Sa tuwing panahon ng bunga nya, nasa Zamboanga naman ako. Madalang na talaga ako nakakauwi sa aming probinsiya simula na ako ay nag kolehiyo kaya hindi ako nakaka tiyempo sa panahon ng may bunga siya. 

Pag balik ng aking tiyuhin at ng kanyang pamilya mula sa Malaysia papunta sa Jolo, sila ay nag desisyun na wag na bumalik muli doon. Sa halip sila ay gumawa na lamang ng matitirahan sa loob ng bakuran ng aming lola na kanyang Ina din. Ang aming puno ng durian ay napakataas at nasa ilalim nito ang ginawa nilang kwarto mag pamilya. Kinalaunan ay nag desisyun sila na ito ay putulin na lamang para sa kaligtasan nila lalo na kapag may malakas na hangin. 

Sa totoo lang, sobra akong nalungkot sa pag putol sa aming durian sapagkat ako ang at ang mahal kong Ama ang nagtanim at nag alaga dito sa napakahabang panahon. Nakalulumbay na hindi ko man lang natikman ang kanyang masarap na bunga. Gayunpaman, taos-puso ko naman nauunawaan ang dahilan sa pagputol dito at ako ay lubos din masaya dahil sa marami sa aking mga mahal na pamilya at kamag anak ang nabigyan ng kagalakan ng aming munting durian habang siya ay nabubuhay pa. 

Mindanawon Abroad is MindaNews’ effort to link up with Mindanawons overseas who would like to share their experiences in their adopted countries. Gamson Jr Mawallil Quijano of Sulu is a registered Radiologic Technologist who works in Doha, Qatar.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
Send us Feedback