ISABELA CITY (MindaNews / 15 January) — Confirmed na po na may UK variant nakapasok sa bansa. Ito po ay sinasabing 70% mas mabilis makahawa. Ngunit nananatili pa rin pong mabisang panlaban dito ang:
- Face Mask
Na hindi po dapat tinatanggal hanggat may kasama o kaharap na ibang tao. Lalo na po kung magsasalita. Honestly, naaasar ako sa mga taong naka mask tapos kung magsasalita na ay ibababa ito sa baba. Common sense naman po. Kaya ka nga nag-mask para pigilan ang pagtalsik ng laway na maaaring magdala ng virus sa mga kaharap at katabi mo. Kung kelan ka pa magsasalita, tsaka mo naman tatanggalin ang mask mo?
Sa mga panay naman ang hulog ng mask at nasa bibig na lang, kasama po ang ilong sa dapat takpan. Dahil labas pasok din po ang ating hininga sa ilong na maaaring maging sasakyan ng virus mula sa atin o papunta sa atin. PWERA LANG KUNG KAYA MONG HUMINGA SA TENGA! Yun pong malambot na wire sa mask, yun po ang nilalagay sa ilong, at pinipisil para kumapit, para kahit katamtaman lang ang tangos ng ilong, ay hindi po ito mahuhulog. Hindi po yan katulad ng strapless bra na mahuhulog pag walang kakapitan! Gamitin mo lang ang wire!
- Distancing.
Kahit Pluto variant pa po yan, may hangganan ang distansiyang kayang tahakin ng virus. Iba iba man ang nababasa nating distansiya, 1 meter, 2 meters, isang kabayo, etc, ang sigurado po ay maiiwasan ang transmission ng virus kung hindi tayo masyadong FC. Wag na muna fren. Sa panahon ngayon, hindi na lang nakaka irita ang feeling close. Nakamamatay rin!
Kasama na rin dito ang pag iwas sa mga lugar at okasyon na imposible ang distancing. Planuhin ng mabuti ang pamamalengke, pag KCC, meeting, pag party, etc. Hindi man maiwasan, siguraduhing minimal ang exposure at risk. May kasamang face shield na dapat ang mask pag ganito. Mas mainam kung plated ang serving ng pagkain. Mas ok walang kainan! Take home na lang. Kasi naka mask nga kayo lahat thruout the event, pagdating naman sa kainan tanggal lahat ng mask at ang sarap pa ng kwentuhan at tawanan. Sana mula umpisa di na lang kayo nag mask!! Hindi po mag e-excuse me may I go out muna ang virus dahil kumakain kayo. Makikikain din sila!
- Hand Wash/Disinfection
Maliban sa virus mula sa ubo, bahing at laway ng kaharap at katabi mo, ang tanging magdadala ng virus sa yo ay ang mga kamay mo. Dahil ang virus ay makakapasok lamang sa mata, bibig at ilong natin. At ang mga ito ay abot lang ng ating mga kamay. Ilang beses ng sinubukan ang siko, hindi talaga. Paa pwede, nasa sa yo yan. Pero hanggat kamay mo ang gamit mo, lagi yan pupunta sa mukha mo, namamalayan mo man o hindi. Kaya ang palagiang pag hugas ng kamay na may sabon sa loob ng 20 seconds (kung hindi aabot, hihimatayin lang ang virus, hindi mamamatay) at kung nasa lakaran naman, mag alcohol (sabi nila dapat 70%) ang magliligtas sa yo.
Mainam din na sa tuwing uuwi sa bahay maligo muna bago umupo, humiga, at lumapit sa mga kasama sa bahay.
Ito pa rin po ang nananatiling panlaban natin sa virus. Paano ko nalaman?
Dahil nagka Covid na po ako. Binalikan at pinag aralan ko lahat ng mga ginawa at nakaligtaan kong gawin sa mga naka listang yan. At napatunayan kong hindi ako nahawa at hindi ako nakahawa nung mga panahong sinunod ko yan. Kahit may Covid na ako (pero hindi ko pa alam non), wala akong nahawa kahit isa sa mga kasama ko sa bahay, dahil sinunod ko lahat yan. Nagka positive ako dahil meron akong hindi nasunod jan.
Sa totoo lang, sa guest house si Mujiv ng mga panahon na yun kasi sobra ang exposure niya, kaya isolate muna siya sa amin ng mga bata. Lalo na diabetic ako. Pero that time, nasa sala kaming lahat ng mga bata at ang bunso naming anak ay nasa tabi ni Mujiv, yumayakap pa minsan. Dahil inuubo ubo na siya non, hindi malakas, normal na parang makati lang ang lalamunan, pumagitna ako sa kanila. It was a deliberate, conscious move dahil praning talaga ako. Yun nga lang, hindi ako nakapag mask. Mahigit isang oras yun, dahil naglaro kami ng MAFIA.
Alhamdulillah ako ang nahawa at hindi ang anak ko. Pagkalipas ng dalawang araw, nagkalagnat na si Mujiv. 38 lang. Ako naman ay inubo na. Nawala rin agad ang lagnat niya after paracetamol kaya naka dalawang meetings pa siya. Pero naka mask siya at ang mga kausap niya. Ako naman, tabi pa rin ng anak ko matulog. Pero nag mask na ako sa buong bahay at hanggang sa pagtulog. Nagpa massage pa ako non, kasi normal lang talaga ubo ko. Pero naka mask ang masahista at naka mask din ako. Kinabukasan, nilagnat na ako. Kaya nagpa swab na kami ni Mujiv.
Positive. Pero lahat po ng naka halubilo namin ng mga panahon na yun, na naka mask, na swab po lahat, at lahat ay Negative. May 8 kaming kasama na nag positive at ito ay yung mga nakasama ni Mujiv ng wala silang mask lahat. Mga escorts at drivers. Ang iba nakasabay sa pagkain.
Alhamdulillah lahat po kami ay nakaligtas, sa awa ni Allah swt. Kaya nagka Covid man ako, may mga aral po akong natutunan, na ibinabahagi ko sa inyo.
(Ang MindaViews ay opinion section ng MindaNews. Si Sitti Djalia Turabin Hataman ay mayor ng Isabela City sa Basilan. Naging party-list Representative din siya ng Anak Mindanaw. Si Mayor Djalia at ang asawa niyang si Rep. Mujiv Hataman ay nagka-COVID-19 noong Agosto 2020. Itong sinulat nya ay na-post ni Mayor Djalia sa kayang FB page nung Enero 14, 2021. Ang pag-publish nito sa MindaNews ay may pahintulot mula sa kanya)