WebClick Tracer

REFLECTIONS: Pagmumuni-muni sa Araw ng mga Bayani

DAVAO CITY (MindaNews / 31 August) — Dahil ngayon ay National Heroes Day, naisip ko timing na pag-usapan kung ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang bayani? Sino nga ba ang bayani at sino ang hindi? Noon ang sabi natin ang bagong bayani ng Pilipinas ay ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Ngayong COVID-19 pandemic, ang tunay na bayani ay ang mga health frontliners.

Para sa maraming aktibista tulad ko, alam namin na si (dating Pangulong Ferdinand) Marcos ay hindi bayani kahit sikretong ipinalibing sya nuong Nobyembre 2016 sa Libingan ng mga Bayani matapos malukluk si (Rodrigo) Duterte bilang pangulo, dahil sa diumano’y naipangako nya ito sa mga kaanak ng dating diktador, kapalit ng suporta at tulong pinansyal noong halalan.

Maraming mga pang-uri at katangian na pwedeng maglarawan ng isang bayani. Ang bayani hindi ikinukubli, bagkus pinangangalandakan at inaanunsyo ang kabutihang nagawa upang maging huwaran. Ang bayani nagsakripisyo o nag-alay ng buhay, yaman, panahon para sa kapwa. Ang bayani nakipaglaban para ipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng kapwa, ng mga mamamayan, ng lupain at kasarinlan. Ang bayani handang magbuwis ng buhay para sa iba at naglilingkod ng tapat sa kapwa. Kung kaya angkop at wasto lamang na sa panahon ng pandemya ang mga medical frontliners ay tinaguriang mga bayani. Sa madaling salita ang bayani ay may mabuting ginawa at mabuting kalooban, may malaking ambag o kontribusyon para sa kabutihan at kapakanan ng nakararami.

Sila yung mga tao na dapat ay hinahangaan, pinupuri, pinararangalan, ginagalang at tinutularan.

Kamakailan lamang ginunita natin ang kabayanihan ni Ninoy Aquino. Walang duda na nagtaglay si Ninoy ng mga katangian ng isang bayani. Siya ay ang pinaka matinding kalaban ni Marcos noon. Parang weirdo naman na pareho silang gawin bayani kung ang kinakatawan nilang mga prinsipyo (values and principles) ay magkaiba. Naalala ko tuloy si Andres Bonifacio, isa sa mga bayaning Pilipino, ang ama ng himagsikan, na pinapatay ni Emilio Aguinaldo. Bayani ba si Aguinaldo? Para sa akin sya ay hindi bayani tulad ni Marcos. Maaaring siya ay tinaguriang unang pangulo ng republika ngunit hindi isang bayani. Malinaw ang naging papel niya sa ating kasaysayan.

Ang tanong, bakit sa panahong ito dahil sa matinding pagkakawatak-watak ng mga Pilipino, tila naiiba ang batayan ng kung sino at ano dapat ang bayani. Kung ano ang mabuti at hindi mabuti, kung ano ang tama sa mali. Nakakabahala na kadalasan ang lantarang pagkakamali ay tinatabunan o di kaya ay pinalalampas lang. Sa totoo lang laganap ang katiwalian sa lipunan natin, kitang kita naman natin sa mga balita ukol sa PhilHealth, at base na rin sa ilang mga pagaaral tungkol sa korupsyon sa bansa. Lumala pa nga ito ayon sa Global Corruption Index. Tumaas ang ranggo ng Pilipinas mula noong 2018 hanggang sa kasalukuyan.

Binibigyan ko ng tuon ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino dahil sa matinding hidwaan sa politika. Malalim ang pagkakahati sa pagitan ng pro-Duterte administration at ng anti-administration. Lalo na ngayon, hindi ko nga alam kung sino ang nagsasabi ng totoo kung ano ang tunay na lagay ng pangulo nitong mga nakaraang araw. Ang daming balibalita at hindi ko maiwasan mag-alinlangan. Sa palagay ko nga kung anu’t-anuman ang mangyari sa kanya, malamang marami sa kampo nya ang mananawagan na gawin syang bayani dahil ang alam ko marami sa mga taga-suporta nya tinuturing syang tatay, ama, amo, at poon nila. The best president pa nga daw kahalintulad ni Ferdinand Marcos na minsan nang nasabi na idolo nga daw ni Duterte. Napapaisip tuloy ako. Dapat nga bang maituring na bayani si Duterte? Balikan natin ang mga pang-uri na naglalarawan ng tunay na bayani. Suriin natin ng mabuti kung pasok nga ba sya sa mga katangian ng isang bayani.

Ngayong panahon ng pandemya, maraming lumabas na mga bayani maliban sa mga medical at health frontliners. Ika nga “in times of crisis, we will see the best and the worst in people”. Yung magkakaibigan na nagtulungan maisalba sa kagutuman ang mga kapos sa buhay, yung mga naglikom ng donasyon para makapaghatid ng tulong sa mga nangangailangan, yung nagsiguro na may matutulugan at masasakyan ang mga frontliners, yung nagtaguyod ng kapatiran at pagtutulungan ng mga mamamayan, grupong pribado at mga institusyon, yung gumawa ng paraan upang makauwi sa kanilang tahanan ang mga walang masakyan. Yung mga namigay ng gadgets para sa mga estudyante upang makapagpatuloy sa pagaaral. Yung buong tapang na tumaligsa sa pandaraya, korupsyon, pagkitil at iba pang katiwalian sa pamahalaan. Yung naglinang ng mga makabagong pamamaraan upang matugunan ang hamon ng pandemya, yung nagbigay ng inspirasyon at pagasa sa kabila ng kadiliman at walang kasiguruhan sa ating buhay. Hindi ba pwede din silang maituring na bayani sa panahong ito?

Sabi nila ang kasaysayan lamang ang makapaghuhusga kung sino ang tunay na bayani. Pero malinaw sa akin na mas maraming tao na nasa labas ng pamahalaan ang maaaring ituring na bayani. Mas malinaw din sa akin na ang sumusunod ay hindi maaaring maging bayani– ang nagsasadlak sa ating bansa sa kahirapan, kadiliman, hidwaan, gyera, kagutuman, paglabag sa karapatang pantao, at kawalan ng katarungan. Ang magnanakaw, ang mamamatay tao, ang ngangingikil, ang nambabastos ng kababaihan, ang nagsisinungaling, ang hindi tapat sa sinumpaang tungkulin, ang inutil at walang paninindigan upang ipaglaban ang ating karapatan at kasarinlan. Silang lahat ay hindi kailanman maaaring maging bayani ng ating lipunan.

(MindaViews is the opinion section of MindaNews. Carmen Lauzon-Gatmaytan is a human rights and justice advocate. She has been involved in various women, peace and security initiatives in Mindanao since the 1990s. She is currently a civilian protection worker of an international peace-keeping NGO based in Cotabato City but because of the pandemic has been working from home in Davao City)

 

 

Your perspective matters! Leave a comment below and let us know what you think. We welcome diverse viewpoints and encourage respectful discussions. Don't hesitate to share your ideas or engage with others.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
[custom_social_share]
Send us Feedback