WebClick Tracer

PEACETALK: Mensahe mula kay Cardinal Tagle

Cardinal Luis Atonio G. Tagle
Archbishop of Manila

(Message of Cardinal Antonio G. Tagle dated 10 November 2015. The Cardinal visited the Lumads at the Kampuhan sa Liwasan early morning of November 11 to express his solidarity with the Indigenous Peoples from Mindanao). 

Nakalulungkot at nakababagabag ang mga nangyayari sa ating mga kapatid na katutubo sa Mindanao. May ilan na sa kanila ang namatay at pinaslang. Marami na ang napilitang lumikas at iwanan ang kanilang mga tahanan at ang mga lupain ng kanilang mga ninuno. Nawala ang kanilang kabuhayan. Natigil ang pag-aaral ng mga bata. Higit na nahirapan ang mga matatanda, mga may karamdaman, mga bata at kababaihan. Sinisira ang kalikasan. Umiiral ang kaguluhan, ang karahasan, ang kawalan ng katarungan at kapayapaan sa kanilang pamayanan.

Winika ni Hesus na ang gawin o hindi natin gawin para sa “pinakahamak sa ating mga kapatid” ay ginawa o hindi natin ginawa para sa kanya (cf. Mt 25: 40,45). Kaya nga, sa nangyayari sa ating mga kapatid na lumad sa Mindanao, kinakailangan tayong tumugon at kumilos.

Nananawagan kami, unang-una, sa ating mga pinuno sa pamahalaan. Pairalin sana nila ang kapayapaan. Nangangahulugan ito ng paglisan ng mga hukbong militar sa lugar ng ating mga kapatid na katutubo, at gayundin ng pagbuwag at pag-alis ng mga armas sa mga grupong para-militar. Nanawagan kami, kapwa sa militar at sa NDF, na gawing “peace zones” ang lugar ng ating mga kapatid na katutubo. Ikalawa, humihingi kami ng tulong para sa ating mga kapatid na lumad na napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan, at ngayo’y nasa mga “evacuation areas.” Nangangailangan sila, higit sa lahat, ng pagkain, tubig, gamot, malasakit at pang-unawa. Tulungan sana natin sila. Gawin rin sana natin ang lahat ng ating magagawa upang makabalik sila sa kanilang mga tahanan at lupain, at mamuhay doon ng ligtas at matiwasay. Ikatlo, umiral sana ang katarungan, at mapanagot ng mga kinauukulan ang mga nagkasala at pumatay sa mga pinuno ng ating mga kapatid na katutubo.

Kinakailangan nating lahat na umupo, mag-usap, at magtulungan upang tunay nating mabigyang-lunas ang kalagayan ng ating mga kapatid na katutubo sa Mindanao. Mayroon tayong lahat na naging pagkukulang at kasalanan sa nangyayari ngayon sa ating mga kapatid na lumad. Ngunit katulad nga ng ipinapaalala sa atin ni Papa Franciso, sa kanyang pagtatalaga ng darating na taon sa Simbahan bilang “taon ng habag at awa”, binibigyan tayo ng pagkakataon na magsisi at magbago. Sa tulong at awa ng Diyos, na siyang tunay na nagpapanibago sa lahat, pagsumikapan sana natin na ituwid ang pagkakamali, isaayos ang lahat, at pairalin ang kapayapaan.

Search MindaNews

Share this MindaNews story
Send us Feedback